HINDI lang sa isyu ng kalusugan at kalinisan tumutok sa mga unang araw ng kanyang pagbabalik sa lokal na pamahalaan ng Maynila itong si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso subalit maging sa kaligtasan ng kanyang mamamayan.
Laking tuwa ng inyong Pakurot at maging ng maraming Manileño nang makita sa telebisyon at online ang pagtutulungan ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Electric Company o Meralco sa isang urban order campaign na ginanap mismo sa lungsod.
Aba’y bakit hindi matutuwa ang mga mamamayan ng Maynila at mga negosyante kung nakikita nilang mismong ang kanilang alkalde at kompanyang nagbibigay liwanag sa kanilang tahanan at paligid ay inaalala ang kaligtasan ng lahat.
Sina Mayor Isko Moreno at Meralco Vice President Joe Zaldarriaga ay punong- abala sa pagtatanggal ng dangling wires o yung mga nakasabit o salasalabid na kawad ng kuryente at kable sa Binondo, Maynila.
Sabi nga ng mga residente ng lugar at syempre ng mga dumarayo sa Maynila para mamili at ang iba naman ay maghanap-buhay, malaki ang “impact” ng ginagawa nina Yorme Kois at Manong Joe sa pagsisiguro ng kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang hakbang ng Pamahalaang Maynila at Meralco ay isang paraan nang pagtiyak na maiiwasan ang sunog at iba pang disgrasya na posibleng idulot ng mga naghambalang at salasalabid na kawad ng kuryente.
Sa pagbabalik ni Mayor Moreno, unang ginawa nito ang mga hakbang para sa kalusugan ng mga mamamayan at ngayon naman ay ang kaligtasan ng bawat isa laban sa pinsalang pwedeng idulot ng mga nakasabit at salasalabid na kawad ng kuryente.
Ayon naman sa opisyal ng Meralco na si Manong Joe, malaking tulong ang ginawa ni Mayor Isko upang maisakatuparan ng Meralco ang kanilang programang “anti-blight campaign.” Ito aniya ay pagsisiguro na maayos ang siyudad at walang maiiwang lugar na may “spaghetti wires.”
Ang masaya at totoong nakatutuwa ay ang pagdagsa ng mga taong nagpakuha ng larawan kay Yorme. Pero hindi nagpatalo itong mga nanay na pumalibot kay Manong Joe. Pawang nagpakuha rin ng litrato.
Aba’y parang nabuhay muli ang “That’s Entertainment” dahil parehong gwapo sina Mayor Isko na sikat na artista na pumalaot sa pulitika habang at Joe Zaldarriaga na dating TV broadcaster at commercial model bago napasok sa Meralco.
Ang pagsanib pwersa ng Maynila at Meralco ay tanda ng magandang public private partnership na maaaring magsilbing ehemplo para sa iba pang siyudad at bayan.






