Home OPINION 670 PATAY SA LANDSLIDE, ULAN

670 PATAY SA LANDSLIDE, ULAN

SA  lalawigan ng Enga sa Papa New Guinea, pinaniniwalaang nasa 670 katao ang namatay mula sa 150 bahay na natabunan ng landslide nitong nagdaang mga nagdaang araw lamang, habang apektado ang nasa 1,000 iba pang kabahayan.

Nagiba ang malaking bahagi ng bundok sa lugar at umabot umano sa 20,000 ektarya ang kabuuang lugar na naapektuhan ng landslide, kasama na ang mga kalsadang may 150 metrong lalim na nakatambak na mga lupa, putik, graba at punongkahoy at 8 metro naman sa iba.

Dahil sarado ang nag-iisang kalsada patungo sa lugar, tanging mga helikopter lang umano ang nakararating sa lugar.

Libo na ang mga pumupunta sa lugar na rescue teams ngunit nahihirapan umano silang makapasok sa lugar dahil maya’t maya may nagigibang bahagi ng mga kabundukan.

May mga nakikipagsapalaran na maghukay at may nabubunot silang mga bangkay ngunit sadyang napakahirap umano ang maghukay at mag-rescue dahil sa delikadong kalagayan sa lugar.

NAGING MARUPOK ANG MGA BUNDOK

Bago naganap ang landslide, naging maulan umano sa lugar at lumambot ang mga lupa sa kabundukan.

Nagsimula pa umano ang mga pag-ulan sa lugar noong Marso at sa katunayan, nagka-landslide na rin sa kalapit na probinsya na ikinamatay ng nasa 23 katao.

Ang paglambot ng lupa ang dahilan ng mga landslide.

SA PINAS

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, maulap at maulan sa maraming bahagi ng Pilipinas hanggang sa katapusan ng buwang ito.

Bahagyang kasama ng mga ulan ang ipinarating ng bagyong Aghon at habang papalayo ito sa bansa, hinahatak naman nito ang hanging habagat na dahilan ng pagkakaroon ng maulap na papawirin at lumilikha ng ulan.

Magpapatuloy ang hanging habagat sa paglikha ng mga ulap kahit saan na lilikha ng mga ulan mula Miyerkules hanggang Mayo 31.

Ang magandang balita, walang nakikita ang PAGASA na bagyo at susunod kay Aghon na sa huli ay lumakas sa signal number two ang hangin nito.

TAG-ULAN MAAARING MAGSIMULA SA HUNYO

Ayon sa PAGASA, pupwedeng magsimula ang tag-ulan mula sa kalagitnaan ng Hunyo 2024, depende sa mga palatandaan ng pagdating ng tag-ulan gaya ng walang patid na pag-ulan ng kung ilang araw at iba pa.

Ipagpalagay nating magkakatotoo ang pahayag ng PAGASA, dapat na nating paghandaan kung ganun ang tag-ulan.

Kahit pa sumisingit-singit ang pagtaya na hanggang Agosto ang El Niño na nagdadala ng matinding init.

Ngunit ang paghahanda ay hindi lamang para sa pagtatanim ng palay at iba pang mga pananim na sa ulan at tubig higit na nabubuhay kaysa init ng panahon.

Higit na tinutumbok natin ang mga tiyak na pinsalang darating dahil sa tag-ulan na karaniwang lumilikha ng mga mapaminsalang bagyo at ulan.

At ito ang ating paghandaan dapat nang husto, kasama na ang nakamamatay na landslide.

LANDSLIDE PRONE SA PILIPINAS

Maraming bulubunduking lugar na may maraming tao, kasama na ang Baguio City.

Maging ang paligid ng Metro Manila, maraming bulubunduking lugar na tinatayuan ng mga subdibisyon at may maraming tao.

Kamusta na ba ang mga paghahanda ng pamahalaan at mamamayan laban sa mga landslide sa darating na tag-ulan?

Sana hindi na maulit ang trahedya sa Guinsaugon, St. Bernard, Leyte na ikinamatay ng 1,126 katao noong 2006 at ang Cherry Hills Subdivision sa Antipolo City, Rizal na ikinamatay ng nasa 60 katao noong 1999.