Home OPINION PRIDE OF BICOL

PRIDE OF BICOL

IKINATUWA ng nakararaming kababayan ang pagkahirang kay Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President matapos ang naganap na rigodon sa Senado kung saan iniluklok ang beteranong Bikolanong mambabatas ng mayorya ng kanyang kasamahan.

Bagaman maraming isyung napapaloob sa nangyaring balasahan sa mataas na kapulungan subalit hinog na hinog ang respetado at magaling na senador sa kanyang pinakabagong posisyong suportado ng nakakararaming kapwa lehislador.

Ang dating Gobernador ng Sorsogon, na ilang beses na nahalal bilang senador ay kabilang sa ilang matibay na abogadong nagtapos ng abogasiya sa Unibersidad ng Pilipinas, ay kilala rin bilang mambabatas na nagpasa ng mahahalagang alituntunin hinggil sa proteksyon ng karapatang pantao, kalikasan at iba pa.

Naging tanyag ang Bikolanong Senador sa kanyang inihaing batas kaugnay sa tax exemption sa nakararaming mababang kita na mga kababayan sa pamamagitang nang pagsasabatas ng RA 9504(Tax Exemption for Minimum Wage Earners),RA 9745(Anti-Torture Act) at marami pang ibang sadyang nagsusulong ng pagpapatibay ng karapatan ng bawat isa.

Mas lalo pang sumikat ang bagong Pangulo ng Senado noong 2005 nang mapabilang ito sa Ten Outstanding Young Men (TOYM) at kaisa-isang Pinoy sa Asia News Network’s Idols noong 2007.

Pinarangalan din si Escudero noong 2008 bilang isa sa world Young Global Leaders ng kilalang World Economic Forum bunsod sa mahalagang papel na ginagampanan bilang matalino’t mahusay na mambabatas na nagpasa ng mga panuntunang pinakinabangan ng nakakaraming mamamayan.

Kabilang ngayon ang senador sa mga Bikolanong matataas na opisyal na humahawak ng maimpluwensyang posisyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bong Bong Marcos kung saan nasa listahan din sina Appropriations Chairman at AKO Bikol Partylist Rep. Elizalde Co, Albay Representative at Ways and Means Chairman Joey Salceda, Camarines Sur Representative at Chairman ng Commission on Appointment Lray Villafuerte at marami pang kapwa taga Bikol na mambabatas.