MAY hindi gaanong napapansin ang maliliit na mamamayan sa naglalagablab na isyu sa korapsyon sa flood control projects at iba pang mga proyekto.
Isa rito ang pagdukot ng mga korap na matataas na opisyal ng pamahalaan sa pondo ng Philippine Deposit Insurance Corporation para lang pondohan ang mga flood control project, kasama ang mga ghost o multo at walang kwenta at marurupok na itinayong proyekto at doble-tripleng pagpopondo sa mga ghost at substandard na proyekto.
Noong 2024, P105 bilyon ang dinukot mula sa PDIC at inilagay umano sa unprogrammed funds o mga proyektong walang pondo at isasagawa lamang kung may makokolektang pondo.
Dahil sa pagdukot na nabanggit at katlo sa kabuuang pondo nitong P312B, P203B na lamang ang natitira.
May malaking pangamba ngayon na kapag nagloko ang ilang bangko, hindi kaya ng PDIC na tapatan ang lahat ng paglalabas ng mga depositor at may mga mawawalan sa mga ito.
Hindi lang maliliit kundi malalaki ang mawawalan ng masisingil sa naka-insyur nilang mga deposito.
Pero ang pagkakaiba ng maliit at malaki na depositor ay ang pagkakaroon ng higit na kontak ng mga malalaki sa mga pamunuan ng mga bangko na may problema sila.
‘Yun bang === mauuna ang malalaki na makaalam na may bank run o kawalan ng kakahayan na isauli ng bangko ang mga deposito kaya inuunahan nila ang pagsasara o pagkalugi ng bangko.
Kaya pagdating ng maliliit, nganga ang aabutin ng mga ito at walang katiyakan kung kailan magkakaroon ang PDIC ng pambigay sa mga nawalan ng mawi-withdraw.
Sinasabing milyon-milyon ang mga depositor at kung magkakaroon nga ng bank run, iilan lang ang masasaulian ng deposito.
HANGGANG P1M LANG
Hanggang P1 milyon lamang ang masisingil ng isang tao kahit lagpas dito ang kanyang deposito.
Kapag dalawa o higit pa ang depositor at joint account, halimbawa, at may deposito silang tatlong milyon, hanggang P1M lang ang pupwede nilang paghati-hatian, ayon sa isang paliwanag.
Kahit ano pa ang uri ng deposito nila gaya ng savings deposit, time deposit o demand deposit.
Ang consuelo lang, bawat bangko ang usapan.
Pero ayon sa mga negosyante, hindi kayang tapatan ng PDIC ang lahat ng kanilang deposito dahil milyon-milyon, daang milyon o bilyones ang kanilang mga deposito sa mga bangko.
Kahit mauna pa silang bigyan bago ang maliliit na karaniwang pinagsasarhan ng mga bangko na may problema o bank run sa anomang kadahilanan.
Kaya ang hiling nila, dapat ibalik kaagad ang ninenok na P107B para naman magkaroon sila ng kumpiyansa na maglagak sa bangko.
Kung hindi, baka sa bahay na lang sila magtago ng kanilang mga pera ngunit makasasama naman sa sistemang bangko dahil walang maipapautang ang mga bangko sa mga gustong mangutang sa anomang kadahilanan, gaya ng pagbabayad sa mga hulugang bahay at lupa, sasakyan, puhunan sa negosyo, pambayad sa utang at iba pa.
TANONG: Isasauli ba ng pamahalaan ang P107B dinukot ng mga kurakot mula sa PDIC?






