Home OPINION ‘RESIGN SARA MUNA BAGO BBM’ NG AKBAYAN KADUDA-DUDA

‘RESIGN SARA MUNA BAGO BBM’ NG AKBAYAN KADUDA-DUDA

276
0

NAKABABAHALA—at sa totoo lang, nakaiinsulto—ang ipinakitang palusot ni AKBAYAN President Rafaela David sa panayam ng True FM. Diretsahan siyang tinanong kung tatanggapin ba nila ang mga grupong ang sigaw ay “VP SARA RESIGN”?

Ang sagot niya ay “oo”. Pero nang usapang “MARCOS RESIGN” na, biglang nagkaroon ng “we will cross the bridge when we get there.”

Sa batas at sa lohika, ang tawag diyan ay selective outrage. Sa politika, ang tawag naman diyan ay tagong agenda.

Malabo pa sa usok kung anong “koalisyon” ang tinutukoy ni David, lalo’t mismong mga kasama nila ay magkakaiba ang posisyon.
– Ang TINDIG, walang panawagang resign; “accountability lang daw.”
– Ang iba, “RESIGN BOTH.”
– Ang grupong gustong kasuhan ni Jonvic Remulla, “RESIGN BBM.”

Kung ganito kahati-hati ang kilusan, bakit parang may malinaw na “unang target” ang AKBAYAN — si Sara Duterte?

At dito pumapasok ang mabigat na tanong, “Para ba kay David, ang solusyon sa korapsyon ay alisin muna si Sara, palitan ng VP na malapit sa kanila, at saka atakihin si BBM kapag nakuha na nila ang numero?”

Kung prinsipyo ang basehan, bakit hindi pantay ang panawagan? Kung si BBM ang napagbintangan sa mas matitinding alegasyon ng katiwalian, bakit biglang nagiging “mamaya na ‘yan”?

Ang isa lang ang kahulugan nito, mas ayaw nila kay Sara kaysa kay BBM, at kaya nilang tiisin ang anomang isyung kinasasangkutan ng Pangulo — basta’t makabalangkas sila ng kapaki-pakinabang na political timing.

At dito mas lumilinaw ang anino sa likod ng ingay: ang deklaradong planong pagtakbo ni Senadora Riza Hontiveros sa 2028. Kung ang layunin ay ihanda ang “third force,” natural lamang kung unahin nilang pahinain ang bise presidente — upang maging mas maginhawa ang kanilang pwesto sa darating na eleksyon.

Hindi masama ang ambisyon. Pero masama ang ambisyong tinatakpan ng moral posturing.

Kung totoo ang paninindigan ng AKBAYAN sa anti-korapsyon, dapat pareho at sabay ang panawagan sa lahat ng may sala — hindi iyong pipili ka lang kung alin ang convenient, at alin ang may estratehikong gamit sa 2028.

Ang pagtanggi ni David na tanggapin ang “RESIGN BBM” ngayon ay hindi simpleng pag-iingat — ito’y malinaw na indikasyon ng politics over principle.

At kapag ganyan ang galawan, natural lang ang duda.
Baka nga naman… may usapan na.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here