MANILA, Philippines – Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pitong indibidwal na nag-alay ng kanilang buhay para sa pagsaksi kay Kristo sa loob ng ika-21 siglo bilang “mga bagong martir.”
Ayon kay Msgr. Bernardo Pantin, Kalihim Heneral ng CBCP, naisumite na sa Commission of the New Martyrs-Witnesses of the Faith sa Roma ang mga pangalan ng pitong Pilipinong “martir” mula sa isang arkidiyosesis, isang diyosesis, at dalawang prelatura.
Kabilang sa mga kinilala bilang martir si Alberto Pinagawa, isang dedikadong ministro ng Eukaristiya at lider layko mula sa Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro, na binaril noong Disyembre 24, 2009 matapos maging matibay na tagapagtanggol laban sa ilegal na pagtotroso at pagmimina sa Gingoog City at Claveria, at lider sa pagtatanggol ng mga katutubong Lumad sa kanilang mga natitirang kagubatan.
Si Fr. Marcelito Paez, isang tagapagtanggol ng katarungang panlipunan at karapatang pantao mula sa Diyosesis ng San Jose sa Nueva Ecija, ay binaril noong Disyembre 4, 2017 habang pauwi matapos tumulong sa pagpapalaya ng mga bilanggong pampulitika mula sa Nueva Ecija Provincial Jail.
Kinilala rin ng Prelatura ng Marawi sina Junrey Taub Barbante, Janine Orcia Arenas, Evangeline Salces Aromin, at Riza Ramos Daniel bilang mga martir matapos mamatay sa pagsabog ng isang improvised explosive device (IED) sa loob ng Dimaporo Gymnasium sa kampus ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Disyembre 3, 2023.
Si Fr. Rhoel Gallardo, isang pari mula sa Prelatura ng Isabela de Basilan, ay kinilala rin bilang bagong martir matapos binihag, pinahirapan, at pinatay ng mga ekstremistang Abu Sayyaf noong Mayo 3, 2000.
Noong Nobyembre 2024, nanawagan si Pope Francis sa mga simbahan na alalahanin at parangalan ang kanilang mga Santo o ang mga pinaniniwalaang karapat-dapat sa parangal dahil sa kanila, bilang huwarang Kristiyanong pagpapatotoo.
Sa hiwalay na liham, sinabi ni CBCP-Office for the Postulation of the Causes of Saints (OPCS) Chairman Bishop Renato Mayugba na sila ay aalalahanin at parangalan sa Nobyembre 9, alinsunod sa panawagan ng yumaong Santo Papa. Jocelyn Tabangcura-Domenden