MANILA, Philippines – Pitong katao ang inaresto ng mga awtoridad sa Bacnotan, La Union dahil sa pagbebenta umano ng “magic mushroom” online.
Nahuli ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek — na umano’y nagsusulong ng microdosing — sa isang anti-drug operation sa isang beach resort sa Barangay Galongen noong weekend.
Ang microdosing ay tumutukoy sa pagkonsumo ng maliliit na dosis ng shroom o magic mushroom, na naglalaman ng psilocybin — isang kemikal na compound na itinuturing na ilegal sa bansa. Sinabi ng mga suspek na nakakabawas ito ng mga sakit sa kalusugan ng isip.
“Sila yung grupo na nagcu-cultivate ng mushroom. Advocate kasi sila ng micro-dosing, tapos ang cover story nila ay soul therapy, yoga at pinapakalat nila ito sa social media,” ani PDEA Special Enforcement Service Director Rogelito Daculla.
“‘Yung main subject natin is a social media influencer ang dala-dala nila ay ito ngang mushroom, kush at iba pang party drugs” aniya pa.
Narekober din sa mga suspek ang mga lollipop at chocolate bar na hinaluan umano ng magic mushroom, hinihinalang marijuana, ecstasy tablets, at cocaine.
“Isa pang kinokontrol natin dito is yung marami ang matuto sa pag-cultivate, pino-promote nila openly sa social media, baka mamaya maraming makahagip kung pano gawin ito,” dagdag pa niya. RNT