Home HOME BANNER STORY 70% ng Pinoys mas pabor sa kandidatong kontra katiwalian — SWS

70% ng Pinoys mas pabor sa kandidatong kontra katiwalian — SWS

MANILA, Philippines — Pito sa bawat sampung Pilipino ang mas gustong bumoto ng mga kandidatong nagsusulong ng laban kontra korapsyon, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Pebrero 15-19, 2025.

Sa 1,800 na sumagot sa survey, 70% ang nagsabing mas pipiliin nila ang kandidatong naninindigan para sa “pagpuksa ng katiwalian sa gobyerno.”

Ayon kay Dindo Manhit, presidente ng Stratbase Consultancy na nag-sponsor ng survey, ang korapsyon ay isang “pang-araw-araw na pasanin” ng mga mamamayan. Aniya, “Bawat pisong nawawala sa korapsyon ay perang dapat sana’y napunta sa mga serbisyong makakatulong sa buhay ng karaniwang Pilipino.”

Dagdag pa niya, ang korapsyon ay nagpapalalim ng kahirapan, nagbibigyang-pabor sa makapangyarihan, at iniiwan ang mahihirap. “Lalo nitong pinapahirap ang paglikha ng tunay na pagbabago,” ani Manhit.

Nanawagan siya sa mga botante na suportahan ang mga kandidatong tunay na lumalaban sa katiwalian sa nalalapit na midterm elections. Aniya, ang pagboto ay isang “pundasyon ng demokrasya” at paraan para panagutin ang mga opisyal na nagkulang sa kanilang tungkulin.

Binigyang-diin din niya na ang laban kontra korapsyon ay isang “kolektibong responsibilidad” at hinikayat ang publiko na huwag iboto ang mga lider na umiiwas sa pagsusuri at pagtatasa ng kanilang mga gawain.

“Tuwing may tiwaling opisyal na nahahalal, humihina ang ating kinabukasan. Ngunit kapag nagkaisa tayong bumoto ng tapat at mahusay na lider, nagbubukas tayo ng pinto para sa tunay na pagbabago,” ani Manhit. RNT