MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Ombudsman ang suspensyon ng walong miyembro ng Antique Sangguniang Panlalawigan (SP) dahil sa umano’y kawalan ng aksyon sa P1 bilyong supplemental budget ng pamahalaang panlalawigan.
Kabilang sa mga sinuspinde sa loob ng anim na buwan ay sina Board Members Egidio Elio, Rony Molina, Victor Condez, Alfie Jay Niquia, Plaridel Sanchez IV, Mayella, at Plameras Ladislao, maging ang ex-officio members na sina Julius Cezar Tajanlangit ng Liga ng mga Barangay at Kenneth Dave Gasalao ng Sangguniang Kabataan.
“There is strong evidence showing guilt of the charges against them that involves grave misconduct, oppression, and gross neglect in performance of duty,” saad sa kautusan na inilabas ni Ombudsman Samuel Reyes Martires.
Isinampa ang administrative complaints laban sa kanila dahil sa umano’y “deliberate inaction” sa unang supplemental budget na ipinanukala ni Governor Rhodora “Dodod” Cadiao.
Bahagi ng badyet ay inilaan para sa solar energy projects ng walong provincial hospitals maging ang paglalagay ng solar-powered street lights at home solar systems.
Napag-alaman ng Ombudsman na karamihan sa mga board member “deprived the 200 barangays of the province of Antique and about 15,000 households of home solar systems.” RNT/JGC