Home NATIONWIDE 80 nabiktima ng food poisoning sa Maguindanao del Sur

80 nabiktima ng food poisoning sa Maguindanao del Sur

MANILA, Philippines – Nasa 80 katao, karamihan ay mga bata, ang nakaranas ng sakit ng tiyan at pagkahilo sa hinihinalang insidente ng food poisoning matapos kumain ng manok sa gata sa isang traditional wedding rite sa isang barangay sa Maguindanao del Sur nitong Huwebes, Abril 25.

Ayon kay South Upi Mayor Reynalbert Insular, sa 80 pasyente, 49 ang nananatili pa rin sa community hospital ngunit nasa maayos nang kondisyon.

Ang mga pasyente ay bisita ng isang “Uyot”, isang traditional wedding rite ng indigenous Teduray tribe sa Barangay Pandan, South Upi, Maguindanao del Sur.

Ani Insular, daan-daang Teduray mula sa mga barangay ng Pandan at Kigan ang dumalo sa tribal wedding alas-3 ng hapon noong Abril 24.

“Three of those who remained in the hospital are children aged 12 years old and below,” sinabi ni Insular.

Inilipat naman ang iba pang mga pasyente sa Datu Blah Sinsuat District Hospital sa kalapit na bayan ng Upi sa Maguindanao del Norte.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente.

“I encourage everyone to be extra careful during food preparation to avoid similar incidents in the future,” ayon sa alkalde. RNT/JGC