Home NATIONWIDE South Cotabato isinailalim sa state of calamity sa El Niño

South Cotabato isinailalim sa state of calamity sa El Niño

MANILA, Philippines – Inilagay sa state of calamity ang South Cotabato dahil sa epekto ng El Nino.

Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato ang deklarasyong ito dahil sa matinding tagtuyot na naranasan sa probinsya, partikular na sa mga bayan ng Banga, Norala, Surallah, Tantangan, at Tboli.

Sa preliminary reports mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office-South Cotabato, nakita na nagdulot na ang El Niño ng P201.9 milyong halaga ng pinsala sa mga pananim, livestock at imprastruktura.

“These towns have been particularly hard-hit, prompting their declaration of a state of calamity,” saad mula sa abiso ng pamahalaang panlalawigan.

Nauna nang idineklara ang state of calamity sa Surallah, South Cotabato dahil pa rin sa El Nino.

Ayon sa Office of the Municipal Agriculturist sa Surallah, halos 1,000 ektarya na ng taniman at palaisdaan ang natutuyo hanggang noong Marso 31.

Umabot naman sa halos P71 milyon ang pinsala sa agrikultura sa panahong iyon.

Sa ilalim ng state of calamity, pinapayagan ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang kani-kanilang calamity fund allocations. RNT/JGC