Home OPINION 90% AYAW UMUWI SA PINAS; ANYARE?

90% AYAW UMUWI SA PINAS; ANYARE?

138
0

MISMONG ang Department of Migrant Workers ang nagsasabing ayaw umuwi sa Pinas ang 90 porsyento ng mga Pinoy na nasa Lebanon.

Kahit pa nagkakagiyera-giyera at sobrang hirap na ang kalagayan sa nasabing bansa, lalo na sa Beirut mismo at south Lebanon.

‘Yun bang === mahigit 2,000 na ang patay na halos sibilyan lahat dahil kakaunti lang naman ang namamatay na Hezbollah at Israelita.

Kita rin ang hirap sa napakarami nang Pinas istayl na nabubuhay na lang sa lansangan makaraang magbakwit ang mahigit milyon at nawasakan ng tahanan mismo sa mga hindi nagbakwit gaya ng mga nasa Beirut.

Kasama sa mga naghihirap ang halos kalahati ng 1.25 milyong batang mag-aaral na huminto na sa pagpasok sa iskul dahil nadurog na ang kanilang mga eskwela sa mga bomba ng Israel, kasama sa milyones na nagbakwit at iba pa.

Kasama rin sa paghihirap ang kawalan na ng mga ospital at doktor na mag-asikaso sa mga maysakit kahit emergency dahil marami nang ospital ang nagsara at maraming doktor, nars at paramedic ang nasawi o lumayas.

Isa sa mga pinakamasamang kalagayan ang paghinto ng kabuhayan ng milyones na mamamayan at ngayo’y ramdam na ang malawakang gutom dahil nagdedepende na lang ang milyones sa rasyon ng mga pagkain at tubig.

90% AYAW UMUWI NG PINAS

May 11,000 Pinoy sa Lebanon at sinasabing mas higit pa rito sa rami umano ng mga iligal na pumasok doon.

Sinasabing daan-daan lang ang naapektuhan sa South Lebanon at maraming iba pa ang ayaw pakawalan ng kanilang mga Lebanese at iba pang dayuhang employer nila.

Pero ang higit na nakararami, ayaw talagang umuwi.

Kaya naman kakaunti lang ang gustong umuwi at 10% lang.

Kung madidiskaril man sila, anak ng tokwa, mas gusto nila ang lumayo nang kaunti sa mga lugar ng giyera o pumunta sa ibang bansa kaysa bumalik sa Pinas.

Ang iba, umaasa na hihinto rin ang giyera kaya para ano ang pag-uwi nila sa Pinas?

Isa pa, may nagsasabing paghinto ng giyera, may mapapasukan sila gaya ng rehabilitasyon ng mga winasak ng mga Israelita.

Siyempre pa, iba ang trabaho sa rehabilitasyon kumpara sa TUPAD sa Pinas na hanggang 10 araw lang makaraang manalasa ang super bagyo at baha at pinipili pang magtrabaho ang mga supporter at kamag-anak ng mga politiko.

Sa rehabilitasyon sa pagtatayo ng mga gusali at hanapbuhay, aba, maraming taong hanapbuhay ang pinag-usapan diyan.

Eh, wala pa namang nasasawi sa mga Pinoy roon.

MAY MANGANGAMPANYA BA SA LEBANON?

Kapag umabot sa panahon ng kampanya at botohan ang giyera sa Lebanon, maaaring walang makaboboto roon.

At malamang, matatakot ang mga politiko na mangampanya roon.

Lalo na ang mga politikong makaraang gagastos sa kampanya at umaasang  yayaman sa pwesto, eh, madidisgrasya lang sa mga bomba, rocket at missile sa giyera.

O kayong mga politiko, doon kayo sa Lebanon mangampanya at walang gagawin kundi siraan ang inyoang mga kalaban.

Tingnan lang natin kung anong mangyayari!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here