Home OPINION PATAY, 14 NA SA LPA, BAGYO, HABAGAT

PATAY, 14 NA SA LPA, BAGYO, HABAGAT

139
0

HABANG very busy ang mga politiko sa paninira sa mga posible nilang kalaban at pagbubuhat ng sariling bangko sa mata ng publiko kaugnay ng mabilis na lumalapit na halalang 2025, very busy rin ang masasamang kalikasan sa pagdadala ng bad news sa napakaraming mamamayan.

Habang tinitipa ito, mga Bro, simula noong Hulyo 8-9, 2024 na pag-ulan sa Mindanao, kung saan-saan na lang sumusulpot ang mga flashflood sa Maguindanao del Norte at Sur, Lanao del Norte at Sur, Soccsksargen region (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, and General Santos City), Zamboanga del Norte at Sur at malaking bahagi ng Davao Region na binubuo ng Davao de Norte, Sur, Oriental at Occidental.

Halos buong Mindanao ang pinag-uusapan na sinasalakay ng mga ulan na dala ng habagat, low pressure area at paalis nang mahinang bagyo sa kanluran ng Pilipinas.

Paliwanag ng mga awtoridad, ang mga naipong tubig-ulan mula sa mga kabundukan ang dumaluhong sa mga mababang lugar bilang flash flood o biglaang baha.

14 PATAY AT KASIRAAN

Sa mga ganitong kalagayan, kauna-unahang inaalam at inaasikaso ang kaligtasan ng mga apektadong mamamayan.

Gayunman, may mga nasawi pa rin na umabot na sa 14 katao gaya ng tatlong bata sa Matanog, Maguindanao del Norte, isa sa Maguindanao del Sur, tig-isa sa mga bayan ng Balabagan at Kapatagan sa Lanao del Sur, isa sa Kabakan River, Cotabato at lima sa Zamboanga City.

Halos 200,000 katao na rin ang tinamaan ng flash flood at libo-libo ang mga nasa evacuation center habang mas marami ang nakikipanirahan sa kani-kanilang mga kamag-anak.

Nasira at hindi na rin mapakinabangan ang mga sari-saring pananim habang nasira rin ang 665 bahay, dalawang eskwela, tatlong tulay at lumubog sa baha ang 55 kalsada, ayon sa mga awtoridad.

Maaaring madagdagan pa ang masawi at naghihirap sa ulan, flash flood at baha sa padating ng low pressure area na maaaring tutumbok sa Mindanao at Kabisayaan magsimula sa araw na ito.

Kaya naman, sinoman ang mga maaapektuhan, dapat nang maghanda sa pinakamasamang mga pangyayari, lalo na ang mga nakatira sa mga pampang ng ilog, dalampasigan, mababang lugar sa mga pagitan ng mga bundok, gilid ng mga bundok at iba pang idineklara na ng gobyerno na mga danger zone.

MGA SUSI SA KALIGTASAN

Bukod sa sariling diskarte at karanasan sa mga kalamidad na dala ng masasamang panahon, dapat na mahigpit na makipag-ugnayan ang mga mamamayan sa mga awtoridad para sa kaligtasan nang maramihan, at indibidwal na rin.

Kapag nag-utos ang pamahalaan ng pagbabakwit at pagpunta sa mga ligtas na lugar, kung makakaya rin lang, dapat na sumunod at lumakad kaagad.

Dapat ding laging makinig o manood sa mga babala sa sari-saring media ukol sa pagdating ng masasamang panahon gaya ng LPA, bagyo, habagat at ulan para magkaroon ng maagang pagkilos laban sa kalamidad.

Pangunahing isaisip na unahing iligtas ang buhay at susunod na lamang ang pagpapalaman sa kumakalan na sikmura at iba pa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here