Home NATIONWIDE Fake DMW employee, arestado

Fake DMW employee, arestado

118
0

MANILA, Philippines – Isang nagpakilalang kawani ng Department of Migrant Workers (DMW) na hinihinalang illegal recruiter ang inaresto sa joint operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti-Transnational Crime Unit at ng DMW.

Ayon sa DMW, inaresto si Susan Velasquez sa Cubao, Quezon City nitong Huwebes.

Isa sa naging biktima ni Velasquez ang nagsabi na unang nagpakilala ito bilang empleyado ng departamento noong Marso 2024 at nag-alok ng trabaho sa Canada bilang fruit picker na may CAD 3,800 buwanang sahod o aabot sa P161,910.

Hiningan ng suspek ang biktima ng placement fee na P200,000 hanggang P230,000 habang pinangakuan na makakapunta ito ng Canada sa loob ng dalawang buwan matapos magbayad.

Naghintay ang biktima ngunit hindi ito nakapunta ng Canada kaya nagtungo ito sa DMW at nadiskubre na si Velasquez ay hindi empleyado ng DMW at walang lisensya para magrecruit ng manggagawa.

Bunsod nito, naglunsad ng entrapment ang CIDG at nahulog sa kanilang bitag si Velasquez.

Nakadetine ngayon ang suspek sa CIDG Crame at mahaharap sa large-scale illegal recruitment, estafa at usurpation of authority.

Hinimok naman ni DMW Secretary Hans Cacdac ang iba pang biktima ng suspek na komunsulta sa kaniyang opisina para sa pagsasampa ng kaso laban dito. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here