MANILA, Philippines – Nasabat ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang halos P7 milyong halaga ng marijuana sa buy-bust operation sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi, Hulyo 18.
Sa ulat, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez na naaresto ang suspek na kinilalang si Brenjie Oberez, 42, sa Saint Mary Street corner New York Street sa Barangay E. Rodriguez, Cubao, 10:30 ng gabi.
Nakuha mula kay Oberez ang nasa 58 kilo ng hinihinalang dried marijuana leaves at stalks na nagkakahalaga ng P6.96 milyon.
Dinala na sa Quezon City Police Station si Oberez at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. RNT/JGC