TUMANGGAP si President Marcos ng dalawang deserved niyang standing ovations sa State of the Nation Address niya nitong Lunes: sa una, ipinagsigawan niya sa mundo na ang paninindigan ng bansa sa ating soberanya sa West Philippine Sea ay kasing halaga ng kapayapaan sa rehiyon; at sa pangalawa, iniutos niya ang agarang pagpapalayas sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa.
Kudos, BBM! Pinapalakpakan at sinasaluduhan ng Firing Line ang matatapang at determinadong desisyong ito ng administrasyon, na siguradong ikatutuwa ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Dedma na ang ilang halal na opisyal na nagboykot sa SONA o ang mga nagprotesta sa kalsada na hindi napakinggan ang huling bahagi ng talumpati ng Pangulo. Habang nakikinabang ang bansa sa pagbabagong ito ng mga polisiya, sila naman ang nawawalan.
Pera ng POGO
Bukod sa mga dahilang binanggit ni Marcos kaya nakapagpasya siyang itigil ang lahat ng operasyon maging ng lehitimong POGO, may usap-usapan na ang pera raw na nagmumula sa pagpapatuloy ng kanilang mga operasyon ay para raw sa pansariling interes ng mga “friendly” na politiko — lalo na dahil ang mga susunod na linggo ay palapit na nang palapit sa panahon ng kampanya para sa midterm elections sa susunod na taon.
Base sa mga bulung-bulungan sa security at intelligence communities, posible nga raw na ang kita sa POGO ang nagpopondo sa destabilization plot laban sa Marcos Administration. May hula pa ang iba na may mangyayari raw bandang Enero o Pebrero ng susunod na taon.
Pekeng drug video
Kung may panira man sa araw ng SONA, iyon ay ang paglalabas ng video at litrato sa Amerika kung saan makikita raw si BBM na sumisinghot ng droga.
Ang lakas ng loob na nagpakalat ng pekeng video na nagpapakita kunwari sa Pangulo sa mapanirang akto ay isang desperado at kahiya-hiyang hakbangin na itinuturo ng ilan na pakana daw ng mga grupong konektado sa mga Duterte.
Tinawag naman ito ng Defense Chief bilang pagtatangka na pabagsakin ang administrasyong Marcos.
Bagamat iyon ay may kaduwagan na ginawa sa Los Angeles, sa halip na rito sa bansa, at isinabay pa sa SONA, hindi uubra ang mga ganitong paandar na gumagamit ng mga litratong pineke gamit ang teknolohiya. Dapat na tukuyin at pananagutin ang mga nasa likod nito, na maliwanag namang may masamang intensyon na manira. Ang krimeng ginawa nila ay hindi lamang laban sa Presidente o sa kanyang gobyerno kundi sa mamamayang Pilipino na pinlano nilang lokohin at papaniwalain sa kasinungalingan. Kung gusto ninyong pabagsakin ang Pangulo… ipakita ninyo ang totoong video!
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






