MAGHANDA sa mga bagyo ngayong wala nang habagat.
Sa pakikipanayam sa ilang meteorologist, nakatulong ang habagat sa pagtaboy palayo ng Pilipinas sa mga bagyong dumarating mula silangan at timog ng bansa.
Kaya naman, ang mga nakalipas na bagyo gaya nina Julian at Enteng na naging super bagyo ay naitulak sa norte dahil sa habagat.
Kung totoo na naitutulak ng habagat pa-norte ang mga bagyo mula sa Pacific Ocean at palayo ng Pilipinas, ibig sabihin, mga Bro, na kung saan pupunta ang bagyo ngayong wala nang habagat, doon na at hindi na maliligaw.
Kung ganu’n, magbantay na lang tayo kung saan tatama ang bagyo.
Subaybayan na lang natin ang mga anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration para makapaghanda tayo.
SUPER BAGYO SA NOBYEMBRE-DISYEMBRE
Sa nakalipas na mga taon, dumating at nanalasa sa atin ang mga super bagyong pumatay ng marami at sumira rin ng maraming ari-arian.
Dumating sila sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre.
Noong unang linggo ng 2012, dumating si super bagyong Pablo sa Mindanao, pumatay ng nasa 1,100 katao at sumira ng mahigit P1 bilyong ari-arian.
Nagdala ito ng hanging may katamtamang bilis na 215 kilometro kada oras at bugsong 285 kilometro kada oras.
Sumunod naman si super bagyong Yolanda noong Nobyembre 6, 2013 na pumatay ng humigit-kumulang 7,000 sa Leyte-Samar at iba pang mga kalapit na lalawigan.
Nagdala si Yolanda ng hangin na 315 hanggang 375 kilometro kada oras at lumikha ng storm surge o alon sa karagatan na may taas na 7 metro na ikinamatay ng higit na nakararami sa mga nasawi.
Sumira si Yolanda ng ari-ariang nagkakahalaga ng nasa P150 bilyon.
Itong si super bagyong Rolly na may katamtamang hangin na 220 kilometro kada oras at may bugsong 315, tumama sa Sierra Madre noong Oktubre 30, 2020, pumatay ng 32 katao at sumira ng halagang mahigit sa P100 bilyong ari-arian.
Noon namang Nobyembre 11, 2020, dumating si category 4 na bagyong Ulysses sa Luzon at nagdala ng napakalaking baha na kung tawagin ng mga taga-Cagayan Valley ay maikukumpara sa baha noong panahon ni Noe.
Nagdala ito ng mabilis na hanging 155-215 kilometro kada oras, pumatay ng 102 katao at sumira ng mahigit P100 bilyong ari-arian.
HANDA NA BA ULIT TAYO?
Tiyak na hindi matatapos ang kasaysayan ng mga super bagyo at iba pang malalakas na bagyo na nagaganap sa Oktubre hanggang Disyembre.
Kaya naman, handa na ba tayo ulit na ma-super bagyo?
‘Yun bang === darating ngayong Oktubre, Nobyembre at Disyembre.
Alam naman natin na hindi nakukuha sa dasal lahat ng ito lalo’t hindi napigilang manalasa ng mga dasal ng mga simbahan ang mga bagyong nabanggit.
Kaya, paano tayo maghahanda ulit?
Walang pinakamabisa laban sa mga bagyo kundi ang mahigpit na pagtutulungan ng mga mamamayan at pamahalaan.






