HINDI ko alam kung ginagamit nitong si dating Senador Antonio Trillanes IV ang kanyang utak sa pagpapakalat ng ‘fake news’ kaugnay sa “war on drugs” at extra-judicial killings.
Sa kanyang X account kasi, sinabi nitong matabil ang dilang dating sundalo na naipadala na sa International Criminal Court ang transcript ng pagdinig sa Senado ang pag-amin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang partisipasyon sa EJKs sa laban ng droga noong nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Trillanes, nauna na ring ipinadala sa ICC ang transcripts ng imbestigasyon ng House Quad Committee. Giit pa nito, tinanggap umano ng ICC ang transcript kaya’t nasa kamay na ito ng mga naghahangad na mabayaran ng ama ng Bise Presidenteng si Inday Sara ang kanyang mga kasalanan.
Nakatutuwa rin naman na pursigido itong si Trillanes na maparusahan ang dating Pangulo na hindi naman pinatulan ang mga patutsada niya noon pa man.
Naisip siguro ni Pangulong Digong na nagsasayang lang siya ng oras kung papatulan niya ang mga katulad ni Trillanes na hindi naman abogado eh nagmamagaling.
Mabuti pa rin ang kalooban ng dating chief executive dahil tulad nang hindi niya pamamahiya kay Senadora Risa Hontiveros ang ginagawa niya kay Trillanes. Hindi nga naman abogado ang mga ito kaya hindi alam kung ligal o hindi ang kanilang mga ginagawa.
Sa madaling salita, ayaw bumaba ni Du30 sa kanilang lebel. Ginagamit ng dating Pangulo ang kanyang ulo, sa itaas at hindi ang sa baba.
Sabi pa ni Trillanes, ang transcript na ipinadala ng House QuadComm sa ICC ay magagamit sa paglilitis kay Duterte. Pumayag naman kaya ang Marcos administration? Aba’y kapag nangyari iyon, parang inamin na ng kasalukuyang administrasyon na wala itong gulugod.
Teka nga, bakit hindi na lang pagtuunan ng pansin ni Trillanes ang kanyang kandidatura sa darating na 2025 midterm elections? Tanong iyan ng isang taga-Caloocan.
O baka naman style lang niya ang ginagawa upang makuha ang simpatiya ng mga tao? Eh kung makuha ba niya ang simpatiya ng mga tao, maisasalin ba niya sa boto para sa kanyang kandidatura?
Malamang sa alamang, malaking HINDI ang sagot.
Sabi ng ilang tagahanga ng dating sundalo, dapat daw ay manalong senador itong si Trillanes dahil isa raw itong makabayan. Makabayan ba iyong handang ibenta ang Pilipinas para sa kanilang kapakanan? Asan ang pagiging makabayan doon?
Nakabulag na naman itong si Trillanes. May napapaniwala na naman itong tao sa kanyang pagbabalatkayong tupa.
Kayo, naniniwala ba kayo kay Trillanes?
Ah basta! Ayokong maniwala, pansamantala.






