Home OPINION PAGOD NA SA DALUYONG —  KAHIT NASA TASA PA

PAGOD NA SA DALUYONG —  KAHIT NASA TASA PA

163
0

MAKALIPAS ang 10 araw sa detention, pinalaya na nitong Biyernes ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte na si Zuleika Lopez.

Maaaring ipahiwatig ito bilang isang paraan ng Kamara de Representantes upang pahupain ang tensiyon, pero ang katotohanan — naisakatuparan na kasi ang tunay na dahilan sa likod nang wala sa katwirang pagkakadetine kay Lopez: ang sirain ang imahe ng kanyang boss.

Isa iyong pain na maayos na naisagawa upang makorner ang VP na tinalo ng kanyang emosyon. Totoong nanggalaiti siya at ngayon ay nanganganib ma-disbar sa pagkaabogado, masampahan ng kasong kriminal, at maisalang sa impeachment proceedings, at, kasama na rin, ang mapahiya at durugin ang kanyang reputasyon sa harap ng mundo.

Masasabi namang malakas ang loob ng kanyang ama, si dating pangulong Rodrigo Duterte, nang manawagan sa militar na mag-aklas laban sa kasalukuyang Commander-in-Chief; matapang din si Sara na pangunahan ang isang “people’s power,” pero batid maging ng pinakamatatapat nilang tagasuporta na ang mga aksyong ganoon ay lalo lamang magpapahamak sa kanilang political career.

Ang pambabalewala ni Pangulong Marcos sa pagbabanta ni Inday Sara sa kanyang buhay bilang “storm in a teacup” ay kapuri-puri, senyales ng isang pinunong may estratehiya at kumpiyansa sa posisyong kanyang pinanghahawakan.

Sinabihan pa niya ang kanyang mga kaibigan sa Kamara na itigil ang anomang planong i-impeach ang Bise Presidente dahil sa pagbabanta sa buhay niya, sa kanyang asawang si First Lady Liza Araneta-Marcos, at sa kanyang pinsang si Speaker Martin Romualdez.

Hindi sa simpleng pagkikibit-balikat sa seryosong inihayag nang nagwawalang si VP Sara, ang kalmadong reaksyon ng Presidente ay nagbibigay-diin sa kanyang kalkuladong galawan na makapagbigay ng matatag na imahe — laban sa isang nagmamarakulyong bise presidente at sa kalagitnaan nang lumalalang problemang pambansa.

Bagaman mistulang kalmado at kontrolado ni Marcos ang sitwasyon, ang pag-subpoena ng National Bureau of Investigation kay Duterte ay nagpapahiwatig na desidido ang hakbanging ligal na ito ng Department of Justice.

Ang sabayang pagkilos na ito ay nagbibigay ng malinaw na mensahe: hindi pumapatol ang administrasyon sa mga emosyonal na pagdadrama, pero hindi rin ito papayag na ang mga bantang ganoon ay pasimpleng malulusutan na lang at hindi pananagutan ng nagkasala.

Maaaring pilit pinalalabas ng VP na matapang siya, pero ang hindi pagsipot sa NBI ay gawain lang ng isang taong umiiwas o tumatakas. Taliwas ang ginawa niya sa pagpapakita ng kagitingan ng kanyang ama sa pagharap sa Quadcom hearing kahit sangkatutak ang kalaban nito roon, sinabihan silang itanong ang lahat ng gustong malaman mula sa kanya dakong 2:00 ng madaling araw.

Kaya hindi na dapat tayo magtaka kung bakit iilan lang ang tumalima sa panawagang magtipun-tipon sa EDSA Shrine bilang pagpapakita ng suporta para sa VP. Totoong ang mga ginagawa ng Bise Presidente ay parehong-pareho ng bravado ng kanyang ama, pero hungkag at wala pa ring kwenta ito para sa isang bansang umay nang tumanggap ng panibagong daluyong.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here