Home OPINION NAPAKATRAFFIC SA KYUSI KASI ANG ENFORCERS NAGTATAGO

NAPAKATRAFFIC SA KYUSI KASI ANG ENFORCERS NAGTATAGO

100
0

HINDI mapasisinungalingan na lubhang napakatraffic sa mga lansangan ng Metro Manila at maging ang katabing lalawigan nito na Rizal dahil nalalapit na ang Pasko at napakaraming mga sasakyan ang naglabasan.

Ang mga pasahero ay dagsa na rin kaya naman napakarami na rin ng mga pampublikong sasakyan ang humaharabas sa mga kalsada. Higit namang marami ang mga motorsiklo na nagsisilbing sasakyan ng mga solo na nagtutungo sa malls at iba pang pamilihan.

Panahon na nga ngayon ng pagtungo sa mga mall, mga pamilihan tulad ng tiangge, palengke at night market na dinarayo ng Pilipino lalo na ng mga “ilaw ng tahanan” na binabadyet ang sweldo nila o sahod na iniabot ni Mister upang ipambili ng mga regalo para sa kanilang mga itinatangi sa buhay.

Pero napadako ang inyong Juan de Sabog sa lugar ng Eastern Police District na nakasasakop sa mga lungsod ng Marikina, Mandaluyong, San Juan at Pasig at nasaksihan ang napakaraming sasakyan na nagsisiksikan sa kalye.

Napakarami man ng mga sasakyan sa mga kalye nito, hindi naman problema ng mga motorista ang pagsisiksikan sa kalye dahil patuloy ang pagdaloy nila sa kalsada kasi nga ay may mga nakatalagang traffic enforcer na siyang nagmamando ng trapiko bagaman may mga traffic light sa mga lugar ng lungsod.

Nagtatrabaho ang mga traffic enforcer na nadaanan ng inyong lingkod sa Mandaluyong at San Juan. Ang mga traffic enforcer ay pawang panay ang kaway sa mga motorista upang maging mabilis ang galaw o daloy ng mga sasakyan. Maging sa Pasig at Marikina na makikipot ang daan ay ganoon din. Maraming nakatalagang traffic enforcer na nagmamando ng trapiko upang hindi magkabuhol-buhol ang mga sasakyang nasa kalye.

Syempre lahat ng driver ay nagmamadali at nais na makarating agad sa kanilang patutunguhan kaya naman ayaw magbigayan pero dahil may traffic enforcers mabilis na magagawan ng paraan ang mabagal na daloy ng trapiko at naisasaayos kaagad ang problemang dulot ng mga walang disiplinang tsuper.

Subalit nang magawi sa Quezon City, nakalulungkot na halos hindi na gumagalaw ang mga sasakyan dahil sa ayaw magbigay ng mga driver nito. Ang masaklap pa, walang traffic enforcer na dapat sana ay nagsasaayos ng daloy ng trapiko.

Asan nga ba ang mga TANGO ECHO ng QUEEN CHARLIE? May nadaanan nga na dapat nagmamando ng traffic na motorcycle enforcer pero nasa lilim ito ng isang puno habang nakaupo sa kanyang sasakyan. Aba’t ang kolokoy nagpapahinga yata dahil napagod sa kaaabang nang makokotongan!

Hindi kaya nahihiya ang mga TE na ito sa kanilang boss na si Mayor Joy Belmonte na trabaho nang trabaho upang maging maayos ang ekonomiya ng kanyang lungsod?
Dapat sa mga traffic enforcer na ito ay sibakin na lang tutal wala namang pakinabang.

Pero on the contrary, may mga masisipag namang TE na nakatalaga sa Quirino Highway at Mindanao Avenue. Sila ang mga nagmamando ng traffic sa lugar na hanggang alas-10 ng gabi ay panay-panay ang kumpas ng kamay upang mapabilis ang daloy ng mga sasakyan at hindi magbuhol-buhol ang mga ito. Saludo ang inyong Juan de Sabog sa mga masisipag na Tango Echo pero sa mga tamad na mas marami ang pahinga, dapat magpahinga nan ga kayo ng tuluyan. PAGING MAYOR JOY.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here