MUKHANG nagpalamig muna itong si alyas “Gerald” nang umugong ang balitang ipinadarakip siya ni Manila Police District director PBGen Arnold Thomas Ibay matapos naging matunog ang kanyang pangalan sa mundo ng pangongolekta ng ‘tongpats’.
Eh bakit hindi manggagalaiti sa kanya ang MPD director kung pumutok nga ang kanyang pangalan hinggil sa umano’y ginagawang pangingikil sa vendors, lotteng, bookies ng karera at iba pang mga guerilla style na iligal na sugal sa Lungsod ng Maynila?
Ang nakadagdag pa sa galit ni Ibay, aba’y pati pala mga ibang ahensya ng lokal na pamahalaan ng Maynila na walang kamalay-malay sa ganitong mga iligal at maging mga sarado ng tanggapan ay pinangongolekta pa raw nitong si “Gerald” para nga naman malaki ang kanyang ganansiya.
Ilan sa mga binibitbit nitong si Gerald sa kanyang pangongolekta ay ang Manila City Hall Action Team o MCAT at QRT ng Department of Public Services na hindi na aktibo o sarado ang tanggapan habang ang bago niyang dalang tanggapan ngayon ay ang District Special Operation Unit ng MPD.
Eh alam kaya ng bagong upong hepe ng DSOU na si PLt Col. Arwin Derilo Gaffud na sunog na sunog na ang kanyang tanggapan sa vendors at iligalista dahil sa kanyang umano’y kolektor?
Naging mailap si “Gerald” nang iutos na ng MPD director na i-entrap siya at dakpin noong Nobyembre kaya naman nanahimik muna ito pero tuloy ang koleksyon – gumamit ng mga galamay na bumubulong sa vendors at iligalista sa lingguhan nilang tara.
Ipinagmamalaki pa nitong si Gerald na hindi siya matitinag dahil nakasandal siya sa pader at sumisikat lang siya lalo kapag binanatan sa mga pahayagan kaugnay sa pangongolekta ng tongpats.
Sa madaling salita, ipinagyayabang nitong hambog na kolektor na may panginoon siya sa Maynila nagbigay ng basbas sa kanya upang mangolekta. Maglalakas loob ba ang kolektor na ito kung walang nagbigay ng basbas o “Go” signal?
Kung si Gaffud ang tinutukoy nito na pader na kanyang sinasandalan, malamang na ang mismong opisyal ang magpadakip sa kanya lalo’t masama rin pala ang loob ng mga pulis at opisyal na matagal ng nakatalaga sa DSOU dahil sa pangambang pati sila ay madamay. (Sa palagay mo hindi alam -Ed)
Ang tanong tuloy nila, magagawa raw kayang ipadakip ng naturang opisyal si alyas Gerald kung tanggapan na nila ang nakakaladkad. Aba, siyempre naman, ayaw din siyempre Gaffud na madungisan ang kanyang pangalan lalo na’t bagong salta lang siya sa MPD (Patunayan! – Ed).






