Home METRO Pulis pinagtataga ng nag-amok sa Parañaque

Pulis pinagtataga ng nag-amok sa Parañaque

113
0

MANILA, Philippines – Sugatan ang isang rumespondeng pulis makaraang pagsasaksakin at pagtatagain ng nag-amok na suspek sa Parañaque City nitong Biyernes ng umaga, Mayo 23.

Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital upang mabigyang lunas ang tinamong sugat sa ulo at katawan ang biktimang pulis na nakilalang si Police Staff Sergeant (PSSg) Carlo Sotelo Navarro, 45, na nakatalaga sa BF Homes Police Substation (SS-5).

Kinilala naman ng Parañaque City Police ang nadakip na suspek na si alyas Arnold, residente ng Creek Drive 2, Parañaque City.

Base sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Joseph Arguelles, naganap ang pag-aresto sa suspek bandang alas-10:45 ng umaga sa Barangay San Antonio, Parañaque City.

Ayon kay Arguelles, nakatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang SS-5 tungkol sa isang nagwawalang indibidwal na armado ng patalim na naghahasik ng takot sa Creek Drive 1, Valley 8, kaya agad na rumesponde si Navarro kasama si PSSg Maret at mga miyembro ng Barangay San Antonio Peacekeeping Action Team (BPATs).

Habang pinapakalma ng mga rumespondeng pulis ang agresibong suspek ay bumunot ito ng patalim at walang habas na pinagsasaksak at pinagtataga si Navarro, na nasugatan sa ulo at dibdib.

Sa kabila ng pag-atake kay Navarro ay mabilis na naaresto ang suspek, habang isinugod naman sa ospital si Navarro, kung saan siya kasalukuyang nagpapagaling sa mga tinamong sugat.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ang suspek, na nahaharap sa kasong attempted murder.

Pinuri naman ni Arguelles ang ipinakitang katapangan at dedikasyon sa trabaho ni Navarro at sinabing, “PSSg Navarro embodies the highest ideals of service and sacrifice. He did not hesitate to put his life on the line to protect the community. His courage is both heroic and humbling.” (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here