NASAAN na ang mga paghahanda natin sa bagyo at siyam-siyam na ulan?
Kaugnay ito ng nararanasang dalawang linggo nang pag-ulan at pagdating ng bagyong Wutip, lalo na sa southwestern China.
May mga 5 metrong taas ng baha na rumaragasa, may mga landslide pa.
Mayroon na inabot ng baha na ika-4 na palapag kaya nasa bubungan ang mga tao at naanod o nalunod ang mga sasakyan at maraming iba pa.
Walang elektrisidad at komunikasyon, tumigil ang pagtakbo ng mga tren, binaha ang mga tunnel ng mga sasakyan at may mga na-trap dito at nasira rin ang mga pananim, alagang hayop at isda.
Maraming kalsada at may ilang tulay ang nagiba sa baha at landslide.
Libo-libong emergency response team tumutulong ngayon.
Mga eskwela at gusaling pampamahalaan ginawang evacuation centers
MGA PATAY AT 400M APEKTADO
Umabot sa 400 milyon tao ang tinatamaan ngayon sa China.
May mga namatay nang 47 ngunit sa Guangdong lamang ito at iba pa ang mga nasa ibang lalawigan gaya ng Yunnan at Chongquing.
Ang Guizshou ang tinamaan ng husto na may mga kalsada at tulay na giniba ng baha at landslide.
Umabot sa halos 100,000 ang nagbakwit o ibinakwit ng mga awtoridad sa nasabing mga lugar.
Kinatatakutan din ang posibleng pagbigay ng pinakamalaking dam sa buong mundo na Three Gorges Dam sa Hubei ngunit tinitiyak na ng mga kontraktor at pamahalaan China na matibay ito laban sa baha.
Ngunit may ilang maliliit umanong dam na nalunod o bumigay.
Malalaman ang kabuuang kasiraan sa buhay at ari-arian sa mga susunod na araw dahil sa baha na naganap makalipad ng 30 o 50 taon umano.
Ang masama, sinasabi ng weather agency nila na inaasahang magpapatuloy ang mga baha at landslide dahil wala pang pagtigil ng mga ulan.
HANDA NA BA ULIT TAYO?
Nagsisimula pa lang, mga Bro, ang tag-ulan, tag-bagyo, habagat at tag-landslide natin.
Handa na ba ulit tayo?
Nagtatanong tayo dahil taon-taong naman na nagaganap sa atin ang kagaya ng nagaganap sa China ngayon.
Kabilang sa mga katanungan natin ang ukol sa mga evacuation center para sa tiyak na kaligtasan ng mga mamamayan sa oras na magbabala ang pamahalaan sa pagdating ng siyam-siyam na ulan, habagat, bagyo at landslide.
Kumusta rin ang mga dam, gaya ng Angat dam, na kinatatakutang kung bumigay ay maaaring pumatay ng nasa 100,000 tayo mula sa 30 metrong raragasang baha.
May mga dam na kasing-tanda ng San Juanico Bridge at gusto nating malaman kung nasa maayos at ligtas na kalagayan ang mga ito.
Ang suplay ng pagkain at bigas, gamot at iba pa ay dapat ding ihanda lalo na kung isipin na tuloy-tuloy ang mga sakuna dala ng masamang panahon sa loob ng ilang buwan hanggang Disyembre.
Ang mga pwersa ng pamahalaan para sa pagliligtas, kabilang na ang daan-daang libong sundalo at pulis, gaano na rin sila kahanda muli?
Sa mga nagdaang taon, maraming lokal na pamahalaan, kasama ang mga barangay, na hindi pa natatapos ang mga sakuna ay ubos na ang kanilang mga calamity at quick response fund.
Paano sila?






