Home OPINION PUKSAIN AGAD ‘YANG ONLINE GAMBLING

PUKSAIN AGAD ‘YANG ONLINE GAMBLING

208
0

NAGING bahagi ang aking kolum nitong Martes ng mainstream media sa malawakang pagbubulgar kung paanong ang pagkaadik sa pagsusugal ay pinapalala ng ‘downloadable apps’. Ang smartphones, naging instrumento sa paglalaho ng kitang para sa pamilya.

Mistulang nakikinig naman ang ilang miyembro ng Kongreso at ilan sa kanila ang kumikilos na ngayon upang patigilin ang ilang e-wallet platforms sa pagiging kasangkapan sa nakakaadik na pagsusugal.

Ngunit bago pa man magkaroon ng aktwal na batas, dapat na tanungin muna ng industriya ng digital banking ang kanilang sarili: hanggang kailan sila magpapanggap na inosente habang ang kani-kanilang platform ang mismong nagpapadali sa panghuhuthot at pagsimot sa pera ng mahihirap?

Totoo ang sinabi ni Rep. Jonathan Keith Flores nang banggitin niya kung paanong dahil sa e-wallets ay pinadadali — sobrang walang kahirap-hirap pa nga — para sa mga Pilipino ang itaya ang lahat ng kanilang kinita at makipagsapalaran sa walang katiyakan.

Ganyan ang kalakaran sa online sugalan: dahil may direktang access sa mga betting app na matatagpuan sa mga e-wallet platform, ang pagiging todo-bigay sa kinaaadikan ay hindi lamang madali, kundi delikado sa pagiging ‘matik. Ang malala pa, may ilang e-wallet apps ang hindi lang maaaring tayaan; pupwede pa ngang utangan — na nagpapalala naman sa mapanganib na kumbinasyon ng pangungutang at pagsusugal.

Hindi na nakapagtatakang mabilis na nabiktima nito ang mga manggagawa na itinataya ang kanilang take-home pay. Kaya, bagamat mareresolba ang problema sa tulong ng financial regulation, nakasentro rin ito sa krisis sa moralidad ng parehong tumataya at nagpapataya.

Kumikita sa taya at transaksyon ang mga fintech company tuwing tina-tap ng user ang “load” o “top up” sa gambling app. Alam nila iyon. Pero hinahayaan lang nilang bukas ang link — nang walang pag-aalinlangan. Bagamat walang batas na istriktong nagbabawal sa mga ganitong linkages, ang responsableng corporate citizenship — at simpleng pagpapakadisente — ay dapat na matagal nang kumonsensya sa kanila kahit na wala pa ang banta ng paggawa ng batas para rito. Dapat sila na mismo ang nanguna sa kampanya para iiwas ang publiko sa pagsusugal, at hindi iyong hinihintay lang nila na pwersahin sila para umaksyon.

At saan na nga ba ang moral recovery program ng gobyerno pagdating dito? Nasaan ang konsensya ng mga institusyong dapat na pumipigil sa milyun-milyong Pilipino na masaid ang ipon o mabaon sa utang na maaaring mauwi sa pagkasira ng pamilya? Obligasyon ng pamahalaan na i-regulate ang mga transaksyong pinansyal. Tungkulin nitong sagipin ang mamamayan nito mula sa lagim ng pagkaadik sa sugal.

Kung ang mga digital platform na ito ang nagsisilbing front door, sino ngayon ang nangangasiwa sa mga sekretong pintuan sa loob? Dapat nating pangalanan ang mga nangangasiwa sa mga illegal gambling networks na ito — sino ang nagpopondo sa kanila, sila ang nagpoprotekta? Hindi sila mga invisible na operators.

Ang mga sindikato ay binubuo ng mga taong nag-o-operate, mga recruitment network, mga nangangasiwa sa pagpapasok ng pera at, sa kasamaang palad, kadalasang may proteksyon ng mga tiwaling tagapagpatupad ng batas. Dito na mapapakinabangan ang intelligence networks ng ating pulisya at mga ahensya ng gobyerno na nakatutok sa seguridad. Kung nagagawa ng mga awtoridad na matunton ang mga terorista, siguradong kaya rin nilang matukoy ang mga big boss ng mga pasugalang ito, na nagsisitabaan sa pagsasamantala sa desperasyon ng mamamayan.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here