SUP0RTADO natin ang patakaran ng pamahalaan na ipagpatuloy ang repatriation o pagbabakwit sa Pilipinas ng overseas Filipino workers mula sa Gitnang Silangan kahit may tigil-putukan ang Iran at Israel.
Wala pang nakatitiyak na hindi maulit ang 12 araw na giyera sa pagitan ng Iran at Israel.
Ito’y dahil may banta pa rin sa giyera ang dalawa kung kinakailangan batay sa magkakaibang rason at interes.
Nakikialam pa ang ibang mga bansa na nagpalala sa 12-araw giyera at lalong magpapalala sa susunod na giyera…kung saka-sakali.
Maaaring gagamit sila ng mas malalakas na armas na mapanira sa buhay at ari-arian.
Hindi biro-biro ang namatay na nasa 900 sa Iran at nasa 5,000 nasugatan habang 30 ang sa Israel at halos 3,500 ang nasugatan…depende sa kung anong ahensya ang nag-uulat.
Sa parte ng Iran, patuloy ang mga pagdakip at madaliang pagbitay sa mga kumampi at tumulong sa Israel.
Tuloy-tuloy ang Israel sa pagpatay sa mga opisyal ng pamahalaang Iran, kasama ang mga siyentista na may kaugnayan sa programang nukleyar ng huli.
Siyempre, kasama ang pagpipigil ng Israel sa Iran na gumawa ng bombang nukleyar.
Ang masama pa, napatunayan nang walang sumusuko at tiyak ang higit pang pagkasira ng buhay at ari-arian na ikinadadamay ng iba gaya ng mga OFW.
WALANG EMPLOYER
Bukod sa takot sa panganib na mamatay o mabalda o masugatan, naririyan din ang pagkasira ng buhay o ari-arian ng mga employer, pribado man o publiko, na dahilan upang mawalan ng trabaho o pagkakitaan ang mga OFW.
Kita naman natin kung paano nawasak ang mga tahanan, pabrika, eskwela, simbahan, ospital, sasakyan, gusali, tulay, kalsada, plantang nukleyar, paliparan, pier at mga naluging negosyo ng mga employer na pribado at publiko.
Dahil sa mga ito, tiyak na maraming OFW ang nagnanais na umuwi na lamang, kasama ang iba pa mula sa ibang bansa gaya ng Qatar, Jordan, Lebanon, Palestine at iba pa.
Para maisagawa nang maayos na pagbabalik-bansa o pagbabakwit, kailangan ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng mga sapat na tauhan, pondo, pinansya, materyales at iba pa para maayudahan nang maayos ang mga OFW.
Ang Departments of Foreign Affairs, Migrant Workers, Social Welfare and Development at Overseas Workers Welfare Administration karaniwan ang kumikilos sa usaping ito.
1 TRILYONG KONTRIBUSYON
Napakalaki ang kontribusyon ng mga OFW na P1 trilyon taon-taon sa ekonomiya ng bansa.
Nagiging matatag ang pinansya ng pamahalaan sa laki ng halagang dolyar na remittance nila at hindi sila gaanong umaasa sa pamahalaan para mabuhay at magkaroon ng magandang bukas.
Kaya nararapat lang na bigyan ang mga OFW ng sapat na pagkalinga sa mga oras ng kagipitan, kasama ang kanilang mga pamilya.
May mga tiyak namang ayuda ang pamahalaan gaya ng pamimigay ng puhunan para sa negosyo, training para mapahusay ang kanilang kagalingan, pagkakaroon ng mga benepisyong pangkalusugan sa Malasakit Center at iba pa.
Ngunit tiyak na may iba pang mga dapat gawin upang magkaroon sila ng makataong kalagayan gaya ng pagsibak sa korapsyon at pagsasamantala sa kanilang pag-uwi o muling pangingibang-bansa.






