Home METRO ₱1M ‘tobats’ nasabat sa 2 HVI sa Taguig

₱1M ‘tobats’ nasabat sa 2 HVI sa Taguig

530
0

MANILA, Philippines – Sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) ay nadakip ang dalawang high-value individual (HVI) na nakumpiskahan ng halagang ₱1,020,000 shabu Miyerkules ng gabi, Hulyo 16.

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Randy Arceo ang mga inarestong suspek na sina alyas Tol, 52, at alyas Melissa, 41, kapwa walang trabaho at residente ng Barangay Ususan, Taguig City.

Base sa report na natanggap ni Arceo, nangyari ang pag-aresto sa mga suspek bandang alas-9:56 ng gabi sa likurang bahagi ng isang fast-food chain sa kahabaan ng MLQ Street, Purok 1, De Guzman Compound, Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.

Naging matagumpay ang pagdakip sa mga suspek sa tulong ng District Intelligence Division (DID) at ng mga tauhan ng Sub-Station 9 ng Taguig City Police Station.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang tatlong plastic sachets na naglalaman ng 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,020,000.

Bukod sa ilegal na droga, narekober din sa mga suspek ang isang kulay orange na Toyota Vios na may plakang NCI 5793, paper roll na nakabalot ng masking tape, kulay puting envelope, at ang ₱1,000 na ginamit bilang buy-bust money kasama ang 49 piraso ng tig-₱1,000 boodle money na ginamit sa operasyon.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa laboratory examination.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek, na kasalukuyang nakapiit sa DDEU.

Pinuri naman ni Arceo ang matagumpay na anti-illegal drug operation na tumatalima sa commitment ng SPD sa kampanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan.”

“This operation is another clear message to drug personalities that there is no safe haven for their illegal activities in the southern metro. Our fight continues, and our people can count on the relentless efforts of SPD to protect our communities from the scourge of illegal drugs,” ani Arceo.

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here