Home METRO Establisimyento kinandado sa oil spill na itinatapon sa ilog

Establisimyento kinandado sa oil spill na itinatapon sa ilog

224
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang agarang pansamantalang pagpapasara sa isang kumpanya matapos makatanggap ng reklamo ang lokal na pamahalaan hinggil sa idinudulot na masamang epekto mula sa oil spill na nagmumula rito.

Ang nasabing establisimyento ay ang MAXIMA Steel Mills Corp., at sa pamamagitan ng executive order, pansamantala itong ipinasara sa pangambang magdudulot ito ng pagbara sa mga daluyan ng tubig sa ilog at posibleng maging banta sa kalusugan ng publiko.

Nag-ugat ang insidente sa ulat na natanggap ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) hinggil sa mabahong amoy na nagmumula sa isang sapa na nag-uugnay sa Barangay Lingunan at Barangay Veinte Reales, kaya nagpadala ng conglomerate inspection team ang CENRO kasama ang City Sanitation Office, mga kawani mula sa barangay, at Bureau of Fire Protection (BFP) upang i-verify ang naturang ulat.

Sa kanilang pagsusuri, natunton nila ang mabahong amoy mula sa sapa hanggang sa pagtagas ng langis na nagmula sa MAXIMA Steel Mills Corp. na nagdudulot ng panganib sa mga daluyan ng tubig at kalusugan ng publiko.

Dahil sa posibilidad ng mas matinding epekto ng oil spill sa komunidad, inirekomenda ng CENRO sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) na isara ang nasabing establisimyento, kaya agad naglabas ang City Mayor ng executive order na nakasaad ang agarang pagsasara at mga paglabag na maaaring kaharapin ng pasilidad.

Mahaharap ang nasabing establisimyento sa mga paglabag sa PD 856 (Code of Sanitation of the Philippines), Chapter XIX, Sections 3.1.1 and 3.1.5: Creation of public nuisance through noxious odors and harmful effluent; RA 9275 (Philippine Clean Water Act of 2004), Section 27(a), 27(b), 27(d): Unauthorized discharge of pollutants, release of untreated effluents, and use of concealment methods; at RA 9483 (Oil Pollution Compensation Act of 2007).

Sa pag-uusap naman ni Mayor Wes at management team ng MAXIMA Steels, napagkasunduan na pansamantalang isara ang pasilidad hanggang sa makasunod sila sa mga kinakailangan ng pamahalaang lungsod at maresolba ang epekto sa kalusugan at tubig na dulot ng pagtagas ng langis.

Kaugnay nito, agad namahagi ang City Health Office sa mga residente ng dalawang barangay ng mga facemask, mga kinakailangang gamot, at nagbigay din ng edukasyon sa kalusugan.

(Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here