HINDI dapat makialam ang Pilipinas sa gulong kinakaharap ng Taiwan laban sa pananakop ng China rito.
Ang dapat, unahin muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga problemang kinakaharap ng bansa tulad ng kahirapan, gutom, kawalan ng trabaho at negosyo, mababang kalidad ng edukasyon, pagbaha dulot ng climate change at iba pa.
Kasi nga, natanong si Pangulong Marcos ng Indian Media sa kanyang state visit sa India, kung bukas siya sa pahayag ni United States President Donald Trump na gagamitin ang resources at bases sa Pilipinas kapag sumiklab ang giyera sa pagitan ng China at Taiwan.
Ang sabi ni Pangulong Bongbong, walang dahilan upang hindi makialam ang Pilipinas sakaling sakupin ng China ang Taiwan. Kaya naman, galit ang China at naghain ng ‘serious protest’ laban sa pahayag ni Presidente Marcos.
Sinabi ng China na bahagi ng kanilang bansa ang Taiwan at tanging ang dalawang bansa lang na sangkot sa usapin ang kailangang humarap sa problema.
Tama naman! Bakit kailangang makisawsaw ng Pilipinas sa problema ng China at Taiwan. Hindi natin kailangang magpaloko kay “Uncle Sam” sa mga usaping dinadamay ang seguridad, kaligtasan at kapayapaan ng ating Inang Bayan.
“Walang dapat makialam!,” ayon sa China.
Hindi sapat na dahilan na mayroon tayong overseas Filipino Workers na nasa Taiwan na isa sa ginamit na dahilan ni Pangulong BBM dahilan kaya kailangang makialam ng Pilipinas.
Tamang pakilusin niya ang lahat ng resources ng bansa upang mailikas ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Taiwan, pero hindi dapat makialam sa usaping internal ng China.
Huwag tayong magpadala sa pambobola ng US na aalalayan tayo sa lahat ng laban. Eh sila nga itong madalas na tayo ay nilalamangan.
Tigilan na ng pamahalaan ang pagsipsip kay Trump dahil lalo lang nalalagay sa peligro hindi lang ekonomiya ng bansa subalit maging ang kaligtasan ng mga mamamayan.






