LABIS na nagkakagulo ang buong pamahalaan dahil sa hanggang langit na mga iskam sa gobyerno.
Pinakahuli ang pagsambulat ng P350 bilyong anti-flood scam mula sa kabuuang P550B kabuuang anti-flood fund sa nakaraang tatlong taon at nakataya rito mismo ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama ang mga mambabatas, mambabatas-kontraktor, kontraktor at ilang batang Palasyo.
Nauna rito ang P600 milyon iskam din ukol sa confidential fund na ibinibintang naman kay Vice President Sara Duterte.
Batay sa mga imbestigasyon sa mga anti-flood project, katakot-takot nang ebidensya sa iskam ang nakakalkal at mismong si Pang. Marcos at mga senador mismo ang nakakikita na nang harap-harapan.
Ang mga kongresman, wala pang naaamoy hanggang sa araw na ito.
Sa confidential fund, hanggang bintang pa lang kay VP Sara bagama’t pinagmumukha na siyang guilty sa mga balita.
Tanong mga brad: Hanggang saan aabot ang mga iskam na ito?
Ukol kay VP Sara, kung hindi babaligtarin ng Supreme Court ang sarili nito na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint na naglalaman ng confidential fund kaugnay ng motion for reconsideration, maaaring sa Pebrero 2026 pa uusad ang paglilitis, bagama’t pwede umano siyang idemanda anomang araw sa Ombudsman.
Sa anti-flood scams, mayroon nang mga desisyon na immediately executory gaya ng pag-blacklist sa mga kontraktor at ginagawa na ito ng Palasyo, lalo na ukol sa mga ghost project, gaya ng 30 project sa Bulacan pa lamang.
At susunod na rito ang pagsasampa ng mga kaso na maaaring humantong sa pagkakakulong ng mga sangkot, kasama ang pagkakatanggal sa pwesto ng mga nasa gobyerno.
Sa maigsing pagtanaw sa dalawang iskam, wala pang lumilitaw na direktang masamang epekto ng confidential fund “scam.”
Pero sa anti-flood scam, mismong mga mamamayan ang namamatay, nasusugatan at missing at kasama nilang nasisiraan ng ari-arian ang pamahalaan. Pisting yawa!






