Home METRO District engineer ng DPWH, arestado sa panunuhol kay Leviste

District engineer ng DPWH, arestado sa panunuhol kay Leviste

291
0

BATANGAS, Philippines – Isang engineer ng Department of Public Works and Highways ang inaresto at ikinulong noong Biyernes sa Taal, Batangas dahil sa umano’y tangkang panunuhol kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.

Nangyari ang pag-aresto dakong alas-5:00 ng hapon matapos ang entrapment operation sa Poblacion, Taal, Batangas.

Ayon sa mga inisyal na ulat, sinubukan ng suspek na suhulan si Leviste ng P3,126,900 para iwasan siyang imbestigahan sa mga proyekto ng DPWH sa kanyang distrito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Taal PNP ang suspek at maaaring kasuhan ng Corruption of Public Officials sa ilalim ng Art. 212 ng RPC at paglabag sa RA 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act.

Pinuri ni Senador Panfilo Lacson si Leviste, isang neophyte lawmaker, para sa matagumpay na operasyon.

“My snappy salute to neophyte Cong Leandro Leviste, Batangas 1st District for the successful police entrapment operation against a corrupt DPWH District Engineer who tried to bribe him with up to P360M in ‘kickbacks’ from infra projects in his district,” saad ni Lacson sa kanyang post sa X.

“May his tribe increase,” dagdag niya.

Si Leviste ay hindi nagkomento sa publiko tungkol sa pag-aresto sa DPWH district engineer.

Gayunpaman, sa isang Facebook post noong Linggo ng gabi, ibinahagi niya ang estado ng mga flood control projects sa mga ilog ng Palico, Binambang, at Pansipit, na napinsala ng mga nagdaang bagyo.

“Patuloy ang imbestigasyon ni Congressman Leandro katuwang ang mga inhinyero kung saan natuklasan na marami sa mga flood control project sa Unang Distrito ay substandard ang materyales na ginamit, hindi matibay ang pagkakagawa, at kahit kagagawa pa lamang nitong mga nakaraang taon ay madaling nasira at nasayang ang milyon-milyong buwis ng taumbayan,” aniya.

“Nais ni Cong. Leandro na ang pera ng bayan ay magamit nang tama at hindi masayang. Dapat walang korapsyon sa mga proyekto ng DPWH at ang mga proyektong ginawa ng mga kontraktor na mali ay dapat ayusin kaagad nang walang gastos sa gobyerno,” dagdag nito.

“Sa dami na ng nagastos na pondo ng gobyerno para sa flood control, dapat panagutin ang mga contractor at ipaayos sa kanila ang mga nabayaran at proyektong nagawa na para matigil na ang pagbaha.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here