PINAG-IINGAT nang todo ng ating gobyerno ang mga Pinoy na nasa Indonesia sa gitna ng madugong protesta laban sa pamahalaan doon.
Maliit lang naman ang bilang ng mga Pinoy roon na nasa 7,400 ngunit mabuti na ring maligtas sila sa anomang kapahamakan.
Ang mga protesta na sumambulat lalo na nitong Biyernes hanggang Sabado sa maraming lugar sa Indonesia ay nakapagtala umano ng 8 patay, pagsunog ng isang parliament building at iba pang mga gusali, pagkaabo ng maraming police outpost at sasakyan, pagsunog sa mga bahay ng mga mambabatas at iba pang mga ari-arian.
PAGPAPAYAMAN NG MGA OPISYAL
Kaapruba lang ng parliamento o Kongreso nila ang malalaking pribiliheyo ng mga mambabatas.
Halimbawa ang housing allowance ng mga to na nagkakahalaga ng 50 million rupiah o P175, 786.98 75 na halos 10 beses na malaki kumpara sa minimum wage ng mga obrero sa Jakarta.
Iba pa ang magastos na biyaheng abroad ng mga opisyal.
Ginawa ang nasabing allowance, libre at magarbong pabiyahe sa gitna ng paghihirap ng mga Indonesian sa austerity o pagtitipid program ng pamahalaan, bibihirang mapasukang trabaho at panganib ng maraming tanggalan sa trabaho.
May 580 na mambatas roon at 470 o 81 porsyento ang kakampi ni Pangulong Prabowo Subianto na nakinabang sa mga bagong batas sa paglaki ng alawans at iba pang mga pribilehiyo ng mga opisyal ng pamahalaan.
Dahil sa mga marahas na protesta, na lalong pinaningas ng pagsagasa ng police car kay Affan Kurniawan, isang motorcycle delivery rider at hindi kasali sa protesta, nag-sorry ang kanilang Speaker na si House Speaker Puan Maharani.
ALAWANS AT IBA PA TINIGBAK
Upang hindi magtuloy-tuloy ang mga rali, umaksyon agad si Pangulong Probowo at sinibak niya ang nasabing mga pribilehiyo kasabay ng pakiusap niya sa mga mamamayan na tumigil na sila sa kapoprotesta at ng babala na kung magtutuloy-tuloy sila, maiiba na ang usapan.
Kilala si Probowo na minsang nang naging heneral at hindi nangingiming gumamit ng dulo ng baril kung kinakailangan.
Pero may lumabas na katotohanan dito.
Sinakyan ng mga oposisyong pulitikal ang pangyayari at ginamit ang mga isyu upang itulak ang mga mamamayan na lumaban sa pamahalaan para sa pansarili nilang interes.
Medyo nahimasmasan ang maraming nagpoprotesta at ngayon, gusto nilang ang mga isyung pambayan ay dapat laban pangunahin ng mga mamamayan at hindi ng mga politiko at nag-aaway-away na elitista.
SA PINAS
Kasalukuyang kinakalkal ng mga imbestigasyon, lalo na sa Senado at Malakanyang, ang daan-daang bilyong pisong pagpapayaman ng mga opisyal ng pamahalaan, kasama ang mga mambabatas at kasabwat nilang mga kontraktor, lalo na sa flood control projects na ghost, dispalinghado at abandonado.
Kinikimkim ng higit na nakararami ang kanilang galit at wala pa namang palatandaan na sisiklab ang kanilang poot sa mga lansangan.
Ang nagaganap sa Indonesia na kaguluhan ay dapat iwasan ng pamahalaan.
Dapat panaigin ng mga awtoridad ang katotohanan, hustisya at pagpaparusa sa mga sangkot sa pagpapayaman sa pwesto sa gitna ng paghihirap at pagkamatay ng mga Pinoy sa baha at landslide na bunga ng korapsyon at pandarambong.






