Home OPINION NINAKAWAN NG BILYON-BILYON…AT NG KATOTOHANAN

NINAKAWAN NG BILYON-BILYON…AT NG KATOTOHANAN

220
0

NAYANIG ang marami sa mga pahayag na matapang na binasa sa Senado ng tinaguriang flood control contractor king and queen na sina Curlee at Sarah Discaya, nitong Lunes.

Pinangalanan ng mag-asawa ang 17 miyembro ng Kamara de Representantes bilang mga pangunahing kumubra ng kickback sa malalaking kontrata ng infrastructure projects ng gobyerno na nakopo ng kanilang mga kompanya bilang resulta ng dinayang mga bidding at iligal na transaksyon sa kanilang mga kasabwat sa Department of Public Works and Highways.

Bumulaga ang kanilang “legally advised exposé” sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa “ghost” flood control projects sa hiling na gawin silang mga state witness sa kontrobersiya.

Pero nitong Martes, nag-iba na ang tono ni Curlee Discaya. Kahina-hinalang bigla na lang, nilinis niya ang pangalan nina Speaker Martin Romualdez at Rep. Zaldy Co, iginiit na wala siyang “direct transaction” sa kanila. Biglang kambyo para sa isang tao na isang araw pa lang ang lumipas matapos isangkot ang pinakamakapangyarihan sa kapulungan. An’yare?

Na-realize marahil ng mga Discaya na hindi makapagsasalba sa kanila ang pagbaligtad laban sa kanilang “dirty allies” sa Kongreso. Hindi pa man din sila nakasisiguro na protektahan sila bilang mga state witness — na iginagawad sa pinakakaunti ang pagkakasala. At paano naman sila magiging kwalipikado, kung sila mismo ang pinakamalalim ang pagkaugat sa kontrobersya? Sila na mismo ang umamin, nagbayad sila ng 30% kickback.

Pero heto na, paano naman ang “ghost” projects? Ibig sabihin, napunta sa kanila ang natira sa porsyentuhan, tama ba? Paano sila naging least guilty ngayon? Ang krimen ng maninipis na kongkreto, halos nangalahati lang na istruktura, at minsan pa nga, wala talagang nag-eexist na pagawain ay naglalantad sa katotohanan na ginawa lang talagang gatasan ang mga proyektong para sa tao.

Malamya rin maging ang tinatawag nilang ebidensiya: mga ledger at hindi napirmahang waivers, mga dokumento na madali na lang tatanggihan sa korte bilang haka-haka. Ito ang nagpahina sa kanilang kaso, na pinalala pa ng kanilang pagkambyo.

Nakaiintriga rin na ang “naaalala” nila sa korapsyon ay nagsimula noon lang 2022 — na para bang ang ilang dekada nilang pamamayagpag sa ‘ika nga’y bidding-biddingan gamit ang sangkatutak nilang dummy na kompanya, bilang pakikipagsabwatan sa DPWH, ay bigla na lang sumulpot sa panahon ng pamumuno ni Marcos. Ang selective na pagbabalik-tanaw na ito ay nangangamoy may pinagtatakpan: iba pang mga pangalan, ibang mga kaalyado, iba pang mga opisyal na matagal nang kumukunsinti sa kanila.

At paano pa kung ang totoong laro ng mag-asawang ito ay isama ang mga guilty sa mga inosente? Mag-name-drop ng mga mandarambong, pati ng mga walang bahid, manlito nang manlito, ‘tsaka panoorin na lang na gumuho ang lahat sa gitna ng matinding pagsususpetsa ng lahat. Kung ‘yun ang estratehiya, pinalalim lang nila ang sarili nilang hukay sa paglabag sa batas — maliban na lang, syempre, kung ang mismong mga may pakana sa gobyerno ang nagturo sa kanila ng estratehiya.

At ang pagpapangalan ng mga personalidad ‘tsaka magbabago ng naratibo at pipiliin ang ituturo ang mistulang parehong paandar ng isa pang nakorner para “kumanta,” ang dating Assistant 1st District Engineer sa Bulacan na si Brice Hernandez.

Idinetine siya sa Senado — ngayon ay inilipat na sa kustodiya ng pulisya — dahil umano sa pagsisinungaling sa Blue Ribbon Committee, na nag-iingat bilang solidong ebidensya sa itinanggi niyang pagka-casino kasama ang apat na iba pang opisyal ng DPWH, gamit ang mga alyas at pinekeng government IDs.

Totoong humahaba at lumalalim ang kwento, na hindi na maaaring daanin sa isang upuan. Ang pinakapinangangambahan ko lang, sa pagtatapos ng telenovela na ito, pagkatapos ng paninira ng reputasyon at pagkukulapol ng dumi sa kung sino-sinong personalidad at halal na opisyal — malayang makalulusot ang pinakamalaki ang pagkakasala. At tayo — mga harap-harapang ninakawan ng mga gahaman — ay mananatili lang na mga biktima ng palabas na ito.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here