Home OPINION DOLE INTEGRATED LIVELIHOOD PROGRAM, TULONG-PANGKABUHAYAN SA CARAGA REGION

DOLE INTEGRATED LIVELIHOOD PROGRAM, TULONG-PANGKABUHAYAN SA CARAGA REGION

296
0

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang pagbibigay ng suporta at tulong-pang­kabuhayan para sa mahihirap at marginalized sector, kaya mas pinalawak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa Caraga Region upang madagdagan ang kita at oportunidad sa trabaho para sa mga Caraganon.

May PHP 2.54 milyon kabu­uang halaga ng tulong-pangka­buhayan ang ipinagkaloob sa mga asosasyon sa Surigao del Sur at sa lalawigan ng Dinagat Islands, bilang tugon sa pangako ng DOLE na susuportahan ang mga negosyo sa komunidad sa nasabing rehiyon.

Sa Carmen, Surigao del Sur, tumanggap ang mga miyembrong magsasaka ng Hinapoyan Free Range Chicken Farm Association ng PHP 537,725 ha­laga ng tulong-pangkabuhayan. Iginawad ang tulong sa isang seremonya na ginanap noong Setyembre 1, 2025, kasama ang lokal na pamahalaan ng Carmen bilang proponent co-partner. Ina­asahang palalakasin ng inisyatibang ito ang negosyo ng asosasyon na produksyon ng it­log.

Sa Barangay New Mabuhay, Dinagat Islands, tumanggap ang mga miyembro ng New Mabuhay Cassava at Corn Farmers Association noong Agosto 26 ng PHP 600,000 halaga ng tulong-pangkabuhayan, kabilang ang isang timbangan at ang kauna-unahang makina ng bayan pa­ra sa pag-aani ng mais.

Samantala, nagpakita ng ma­gandang resulta ang binigay na tulong ng DOLE sa Wakat Community-Based Resource Mana­gement People’s Organization na nakabase sa Barobo, Surigao del Sur.

Noong 2018 at 2023, nakatanggap ang organisasyon ng kabuuang PHP 1.4 milyon pa­ra sa pagpapaunlad ng kani­lang produksyon ng bangus. Na­­kapagbibigay na ngayon ang aso­sasyon ng sariwa at de-kalidad na bangus sa buong Surigao del Sur, pati na rin sa mga kalapit na lalawigan, kabilang ang Agusan del Sur, Agusan del Norte, at Davao Oriental. Nagresulta rin ito ng karagdagang pansa­mantalang trabaho para sa mga miyembrong mangingisda na tumutulong sa pagbubukod base sa uri, at pamamahala ng mga produkto.

Nangako ang Kagawaran sa pamamagitan ng iba’t ibang regional office nito, na patuloy na magsisikap upang palawakin ang saklaw ng programa at pa­lakasin ang mga komunidad sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming oportunidad pang­ka­buhayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here