Home OPINION BUKAS MAGHAHALO ANG BALAT SA TINALUPAN

BUKAS MAGHAHALO ANG BALAT SA TINALUPAN

242
0

MAY anim na puwersang pulitikal ang magpapakita ng kanya-kanyang kamao bukas kaugnay ng korapsyon at pandarambong sa flood control projects na unang pinasingaw mismo ni Pangulong Bongbong Marcos at sinundan na ng iba gaya ng Senado at Kamara.

Ngayon, lumaki na ang isyung P350 bilyong nasabing anomalya na mismong si Marcos ang nagsabi.

Ayon kay Senador Ping Lacson, umabot sa P1 trilyon sa tatlong taong pag-upo ni Marcos sa Palasyo at iba pa ang P9 bilyon kina ex-President Noynoy Aquino at Digong Duterte sa tig-6 nilang panunungkulan.

Kung tumpak ang kalkulasyon ni Senador Ping Lacson, nilamon ng mga korap at mandarambong, kasama ang kanilang mga kakutsabang kontraktor, ang nasa 60 porsyentong pondo ng flood control projects at 40% na lang ang natitira para sa mga proyekto.

Ibang usapin pa ang mga ghost project na sa bulsa ng mga korap, mandarambong at kakutsaba nila nasyut nang buo ang mga pondo para rito.

Lalo pang lumaki ang isyu at sakop na ng kritisismo ang lahat ng proyektong imprastraktura na siyang target ngayon ng Independent Commission for Infrastructure dahil lumitaw na ang mga korap, mandarambong at kakutsaba nilang contractors ay kontratista rin ng mga gusaling pang-eskwela at iba pa, kasama na ang mismong gusali ng National Bureau of Investigation.

Ngayon, humantong na ang lahat sa pagdududa sa personal na kredibilidad mismo ni Marcos bilang Pangulo at pag-atake sa kanyang administrasyon.

Ngayon nga, may pwersang Luneta, may pwersang Edsa, may pwersang DDS o Diehard Duterte Supporters, may Marcos na gusto rin sanang sumali kung hindi siya Presidente at may pwersang militar at pulis.

Ang pwersang Luneta, tinatanggap nila sa kanilang hanay ang DDS bagaman pareho ang DDS at ang Marcos na kanilang pinoprotesta.

Saan nga kaya hahantong ang lahat kung maghahalo ang balat sa tinalupan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here