SINABI ng National Shrine of Our Lady of Salambao – San Pascual Baylon Parish, o mas higit na kilala bilang Obando Church, na kanilang isasauli ang isang pick-up truck na donasyon ng sinibak na district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Henry Alcantara, matapos masangkot ito sa diumano’y maanomalyang mga proyekto sa kontrol ng pagbaha sa Bulacan.
Sa isang pahayag, sinabi ng Parokya na natanggap nila ang isang Nissan Navara pick-up noong June 1, 2024, na nagkakahalaga mula Php1.124 million hanggang Php2.220 million.
Ayon sa pamunuan ng Simbahan, tinanggap nila ang sasakyan nang may mabuting pananampalataya para magamit sa mga pagdalaw at peregrinasyon ng Mahal na Birhen ng Salambao sa iba’t ibang parokya.
Ngunit dahil sa mga lumabas na ulat ng katiwalian laban kay Alcantara, kaagad na nagpulong ang Sangguniang Pastoral ng Parokya upang talakayin ang nararapat na hakbang, at napagpasyahang isauli ang donasyon “sa wastong tao o institusyon at sa pamamagitan ng angkop na ligal na proseso.”
Dagdag pa ng Simbahan, ang kanilang pasya ay naaayon sa paninindigan ng Diocese of Malolos at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa integridad at pananagutan. Humingi rin sila ng paumanhin kung nagdulot ng alinlangan ang pagtanggap ng naturang donasyon.
Alinsunod sa Canon 1267, ang Simbahan ay maaaring tumanggap ng mga handog at donasyon, ngunit kung may nakitang serious at just cause, maaaring tanggihan o ibalik ang donasyon.
Noon pa man ay hinihikayat ng CBCP ang mga Parokya at Diyosesis na maging maingat sa pagtanggap ng donasyon lalo na kung ang pinagmulan ay may isyu ng katiwalian, iligal na gawain, o kuwestiyunableng pinagmulan.
Ang isang donasyon ay hindi dapat magdulot ng iskandalo o magmukhang pakikipagsabwatan ng Simbahan sa mga tiwali. Kung may bahid ng ill-gotten wealth, nararapat itong tanggihan o isauli.
Bagaman bukas ang Simbahan sa mga handog, inuuna ang integridad at pananagutan sa komunidad, upang manatiling malinaw ang paninindigan laban sa katiwalian at maling gawain.






