Home OPINION DONASYON NI DATING DPWH ENGINEER ALCANTARA, ISASAULI NG OBANDO CHURCH

DONASYON NI DATING DPWH ENGINEER ALCANTARA, ISASAULI NG OBANDO CHURCH

257
0

SINABI ng National Shrine of Our Lady of Salambao – San Pascual Baylon Parish, o mas higit na kilala bilang Obando Church, na kanilang isasauli ang isang pick-up truck na donasyon ng sinibak na district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Henry Alcantara, matapos masangkot ito sa di­umano’y maanomalyang mga proyekto sa kontrol ng pagbaha sa Bulacan.

Sa isang pahayag, sinabi ng Parokya na natanggap nila ang isang Nissan Navara pick-up noong June 1, 2024, na nagkakahalaga mula Php1.124 million hanggang Php2.220 million.

Ayon sa pamunuan ng Simbahan, tinanggap nila ang sasakyan nang may mabuting pananampalataya para magamit sa mga pagdalaw at peregrinas­yon ng Mahal na Birhen ng Sa­lambao sa iba’t ibang parokya.

Ngunit dahil sa mga lumabas na ulat ng katiwalian laban kay Alcantara, kaagad na nagpulong ang Sangguniang Pastoral ng Parokya upang talakayin ang nararapat na hakbang, at napagpasyahang isauli ang donasyon “sa wastong tao o institusyon at sa pamamagitan ng angkop na ligal na proseso.”

Dagdag pa ng Simbahan, ang kanilang pasya ay naaayon sa paninindigan ng Diocese of Malolos at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hinggil sa integridad at pananagutan. Humingi rin sila ng paumanhin kung nagdulot ng alinlangan ang pagtanggap ng na­turang donasyon.

Alinsunod sa Canon 1267, ang Simbahan ay maaaring tu­manggap ng mga handog at do­nasyon, ngunit kung may nakitang serious at just cause, maaaring tanggihan o ibalik ang donasyon.

Noon pa man ay hinihikayat ng CBCP ang mga Parokya at Diyosesis na maging maingat sa pagtanggap ng donasyon la­lo na kung ang pinagmulan ay may isyu ng katiwalian, iligal na gawain, o kuwestiyunableng pinagmulan.

Ang isang donasyon ay hin­di dapat magdulot ng iskan­dalo o magmukhang pakikipag­sabwatan ng Simbahan sa mga tiwali. Kung may bahid ng ill-gotten wealth, nararapat itong tang­gihan o isauli.

Bagaman bukas ang Simba­han sa mga handog, inuuna ang integridad at pananagutan sa komunidad, upang manatiling ma­linaw ang paninindigan laban sa katiwalian at maling gawain.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here