Home OPINION TAYO MISMO DAPAT MAY DISIPLINA

TAYO MISMO DAPAT MAY DISIPLINA

318
0

GOBYERNO ang sinisisi ng publiko tuwing mayroong kaguluhan o kawalan ng sistema sa mga pangunahing pasilidad ng transportasyon.

Ganito madalas ang eksena tulad na lang sa panahon ng Undas kung saan marami sa ating mga kababayan ang bumibiyahe sa kani-kaniyang lalawigan upang dalawin ang mga namatay na kamag-anak sa sementeryo.

Ang panahon ng Undas ay tulad din sa panahon ng Kapaskuhan bagaman isang araw lamang ito ay nagmimistulang reunion o pagkikita-kita ng mga magkakamag-anak sa puntod na libingan ng kanilang mga kaanak na namatay na.

Pero bago magkita-kita sa sementeryo ay daraan ang mga ito sa iba’t-ibang uri ng transportasyon tulad ng eroplano, barko at mga tinatawag na ‘expressways’ patungo sa kanilang mga lalawigan. Dito madalas ang reklamo ng publiko.

Buhay na buhay na naman ang batikos sa gobyerno ng mga kababayan natin gamit lalo ang ‘SocMed’. Lahat ay isinisisi sa gobyerno na parang sila na lang ang tama habang ang gobyerno ay palaging may kapalpakan sa pagbibigay ng serbisyo.

Sa mga ‘toll plaza’ ng expressways na lang ay tiyak na reklamo riyan ang mahabang pila ng mga sasakyan. Madalas ang pintas ay mabagal na sistema kahit RFID na subalit kapag tiningnan ang CCTVs ay maraming singit nang singit sa pila kaya buhol-buhol ang resulta.

Sang-ayon naman talaga tayo na may kabagalan ang sistema kahit RFID na kasi bukod sa mabagal bumasa ang ‘sensor’ at siyempre ay panahon na marami ang bumibiyahe subalit lalong tumutukod ang daloy ng trapiko dahil sa kawalan ng disiplina ng mga drayber.

Sa eroplano na bagaman may ‘seat number’ na ay nagkukumahog pa rin na mauna sa pagsakay na akala mo ay mawawalan ng upuan pero sa totoo lang ay panggugulang ito dahil sa kapasidad ng ‘overhead cabin’ para sa kanilang ‘hand carry’ kaya ang resulta ay singitan at tulakan sa pagsakay.

Hindi rin magpapatalo ang mga pasahero ng barko. Madalas kapag ang ticket ay pang alas-4:00 ng hapon na biyahe pero kapag mayroon paalis ng alas-2:00 ng hapon na kapareho rin na shipping lines ay sisingit ang mga ito. Kapag may nasaktan nang dahil sa tulakan sa pagsakay ay gobyerno na naman ang sablay.

Inilatag na ng gobyerno ang sistema para sundin pero kung walang disiplina natin mismo ay tiyak na kagulo iyan. Ang kawalan ng disiplina ang sumisira sa sistema ng kaayusan pero sinisisi madalas ay gobyerno. Umayos tayo para maayos ang lahat!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here