HABANG nagtatago si dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo sa likod ng “medical excuses” para umiwas sa Independent Commission for Infrastructure hearings (dalawang beses na ‘yan ha?), tila abala naman ang kanyang anak na si Sunshine sa ibang klaseng lakad: mga bakasyon sa abroad, luxury trips, at mga social post na puro gastos.
Kalat sa social media ang paglustay sa pera nitong si Sunshine. Ang mga tropa niya ay nagpasalamat sa kanya sa paglibre sa mga gastusin sa kanilang trips abroad. All expenses paid! Pero ang tanong: kaninong pera ang ginagastos niya?
Ayon kay Sen. Ping Lacson, si Bernardo ay kabilang sa tinatawag niyang MBB group, kasama sina Candaba Mayor Rene Maglanque at dating DPWH Secretary Manny Bonoan. Sila ang mga utak sa Globalcrete Builders, na may mahigit ₱2.2 bilyong flood control projects — at ngayon, pati sa real estate, umaariba na.
Ang anak ni Maglanque, si Macy Monique, ang president ng MBB Global Properties, habang si Sunshine Bernardo ang corporate secretary. Treasurer? Fatima Gay Bonoan Dela Cruz, anak ni dating Sec. Bonoan.
Sila mismo ang bumubuo ng Wyndham Garden Hotel project sa Clark, na nagkakahalagang ₱1 bilyon. At ang negosyong ito ay pinatatakbo ng mga anak ng mga dating opisyal na konektado sa bilyon-bilyong proyekto ng gobyerno. At oo, kasama si Sunshine dito.
Habang si Bernardo ay nagkukunwaring may “karamdaman” tuwing may imbestigasyon, ang anak niya ay tila hindi nagpapipigil sa paggasta ng pera ng bayan.
Kung ganito ang klase ng “Sunshine” sa pamilya Bernardo, hindi na nakapagtataka kung bakit madilim pa rin ang daan ng katotohanan.






