MABUTING agad na tumugon ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ukol sa kumakalat na balitang may darating na super bagyo sa unang dalawang linggo ng Nobyembre 2025.
Hindi umano totoo ang pagdating ng super bagyo at inabisuhan ang lahat na sa PAGASA making at hindi sa kung kani-kanino.
Gayunman, sinasabi ng nasabing ahensya na “Batay sa Tropical Cyclone Threat Potential Forecast (26 Oktubre 2025), may posibilidad na may namumuong bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility ngayong linggo (27 Oktubre-02 Nobyembre), at may posibilidad na tumawid sa bansa sa susunod na linggo (03-09 Nobyembre).”
Sinundan pa ang pahayag nito nang pagsasabing karaniwang dumaraan ang mga bagyo sa Nobyembre sa Kabisayaan at Timog Katagalugan.
Kung busisiin ang mga pahayag ng ahensya, lalo ang nasabing Tropical Cyclone Threat Potential Forecast, magkakaroon pa rin ng posibleng bagyo ngunit wala pang katiyakan ukol sa lakas at direksyon nito.
Sa ibang salita, posibleng may bagyo pa rin ngunit walang katiyakan kung magiging super bagyo ito o hindi.
Kung ganoon, pinakamagandang maghanda pa rin ang lahat.
Dahil hindi naman kailangang maging super bagyo para manalasa nang todo.
Tulad na lang ng bagyong Ondoy na tumama sa bansa noong Setyembre 2009.
Aba, nasa loob ng kategorya ito na signal number 4 lamang dahil sa 165 kilometrong pinakamabilis na hangin nito at hindi umabot sa super bagyo pero nagbuhos naman ng katakot-takot na ulan.
Dahil sa rami ng ulan nito, umabot sa mahigit 6 metro ang nilikha nitong baha na puminsala hindi lang sa Marikina kundi sa mga katabing lungsod at bayan at lalawigan.
May 464 umanong namatay at may mga missing din habang sumira ito ng bilyon-bilyong halaga ng ari-arian.
Kaya, maging super bagyo o hindi ang posibleng darating na bagyo, sana hindi magkatotoo ito, dapat pa ring maghanda ang lahat.






