KAMAKAILAN, nasabat ng Bureau of Customs ang tinatayang P13 milyon halaga ng ipinuslit na frozen chicken sa Manila International Container Port. Idineklara itong 5,300 karton ng fishball, ngunit sa aktwal na inspeksyon, 240 karton lamang ang tumugma sa deklarasyon—ang natitirang bahagi ng mga container ay puno ng sako-sakong frozen na pitso ng manok.
Dahil dito, mahigpit ang direktiba ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at Assistant Commissioner Atty. Vincent Maronilla, na siya ring tagapagsalita ng ahensya, na paigtingin ang pagbabantay sa mga pantalan laban sa smuggling ng agricultural products.
Karaniwang dumarami ang ganitong tangka tuwing papalapit ang Pasko at Bagong Taon, kung kailan mataas ang pangangailangan para sa mga inihahanda sa Noche Buena at Media Noche.
Habang patuloy ang operasyon ng BOC, nananatiling hamon ang lawak ng karagatan at dami ng posibleng daungan ng mga kontrabando. Hindi lahat ay masasabat, kaya’t paulit-ulit ang paalala ng mga eksperto sa kalusugan na mag-ingat sa pagbili ng mga karne, partikular ng frozen chicken na maaaring galing sa puslit na shipment.
Ayon sa mga eksperto, ang pagbili ng smuggled na frozen chicken ay parang pagbili ng mamahaling basura—mura nga, ngunit maaaring makasira sa kalusugan at sa biosecurity ng bansa. Ang mga produktong ito ay hindi dumaraan sa tamang inspeksyon at maaaring naglalaman ng mga kemikal o gamot na ginagamit upang mapanatiling sariwa ang karne sa mahabang biyahe. Kahit pa ito’y niluluto, posibleng may mga kemikal na nananatili at nakakain ng konsyumer.
Bukod sa panganib sa kalusugan, malaking dagok din ito sa lokal na industriya ng pagmamanukan. Dahil sa bagsak-presyong imported chicken, napipilitang ibaba ng mga lokal na chicken raisers ang presyo ng kanilang produkto para makasabay sa kompetisyon, na nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Sa mga pamilihang gaya ng Divisoria, Blumentritt, at Cloverleaf, makikita ang mga nakabuyangyang na frozen chicken na bukas sa mikrobyo at panganib. Para sa kaligtasan ng pamilya, tulong sa lokal na ekonomiya, at proteksyon sa kalusugan, mas mainam na tangkilikin ang sariwang manok — malinis, ligtas, at tunay na gawang Pinoy.






