Home NATIONWIDE Patuloy na pagtulong, relokasyon mula sa ‘no-build’ zones sa Cebu ipinag-utos ni...

Patuloy na pagtulong, relokasyon mula sa ‘no-build’ zones sa Cebu ipinag-utos ni PBBM

383
0

MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pananatilihin ang relief efforts sa Cebu at ipinag-utos ang relokasyon ng mga residente mula sa “no-build” zones, kasunod malawakang pinsala sanhi ng flash floods dahil sa Bagyong Tino sa lalawigan.

Sa isang kalatas matapos ang situation briefing, tiniyak ni Pangulong Marcos sa mga typhoon victim ang kanyang commitment na magbigay ng patuloy na tulong hanggang sa sila’y ganap na maka-recover.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang mga displaced resident na ang mga bahay ay totally damaged ay makatatanggap ng P10,000 habang P5,000 naman para sa partially damaged ang mga bahay.

“We will help them to recover, put them back on their feet and do what we can to make up for the loss that they have suffered,” ang sinabi ng Pangulo.

“As long as the government, the national government, is needed, we will be here. We are not leaving. Hangga’t maayos na ang inyong mga buhay at hindi na kami kailangan para sa mga tulong na dinadala namin, then we will remain here,” aniya pa rin.

Sa ngayon, tinutukoy na ng local government units (LGUs) ang posibleng lugar kung saan maaaring itayo ng mga ito kanilang bahay.

“Ngayon, mayroon din tayong temporary shelter para doon sa walang … hindi pa maka-uwi ng kanilang bahay. But eventually ay gagawan natin ng paraan para makabalik na sila, magpatayo sila ulit ng bahay o ayusin nila ‘yung nasira nilang bahay,” ayon sa Pangulo.

Aniya pa, ina-assess na ng engineering teams mula sa Department of Public Works and Highways ang mga lansangan para matukoy ang mga lansangan na nangangailangan ng pagkumpuni o kailangang isara muna.

Aniya, may tatlong lansangan ang nangangailangan ng ‘close attention’ at maingat na inspeksyon, sinabi ng Pangulo na maaaring hindi na ito madaanan dahil sa matinding pinsala dulot ng matinding pagbaha.

“At nagbigay din ako ng warning sa ating mga local executives na may padating pa na bagyo. Ngayon, sa tingin namin, hindi naman yata dadaan dito sa Visayas pero mag-ingat pa rin lahat. At hindi natin alam dahil kasi kung minsan lumilipat,” ang winika ni Pangulong Marcos.

Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Pangulo dahil sa pagtaas ng bilang ng mga nasawi, sinasabing pumalo na ito sa 188, mula sa 139 na nasawi sa Cebu lamang.

“But we are very, very sorry. Hindi ko … syempre lahat kami nalulungkot dahil napakataas ng ating casualty figures. At ito karamihan talaga ay dinala, dinala ng tubig, dahil sa laki ng tubig, dahil sa bilis ng parating na flash flood,” ayon sa Pangulo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here