INILAAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang halagang Php997.71 milyon para sa pagpapatibay ng programang “Doktor Para sa Bayan” ng pamahalaan sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), na layuning makapagpatapos ng mas maraming doktor at health professionals sa bansa.
Mula sa kabuuang pondo, nasa Php909.99 milyon ang nakalaan sa Medical Scholarship and Return Service (MSRS) Program ng Commission on Higher
Education (CHED), habang may Php87.71 milyon naman ang ilalaan sa Pre-Service Scholarship Program (PSSP) ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang hakbang na ito ay patunay ng malasakit ng administrasyon ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., sa kalusugan at edukasyon ng kabataan.
Ayon kay Secretary Pangandaman, binigyang-diin ng Pangulo na ang kalusugan at edukasyon ng kabataan ang pinakamahalagang puhunan para sa kinabukasan ng bansa. Kaya’t aniya, buong puso nilang sinusuportahan ang mga iskolar na siyang mga magiging doktor ng bayan.
Ang MSRS Program ay alinsunod sa Republic Act No. 11509 o ang “Doktor Para sa Bayan Act”, na layuning paramihin ang bilang ng mga doktor sa mga pampublikong ospital at sa mga liblib na lugar na kulang sa serbisyong medikal.
Sa ilalim ng batas, makatatanggap ng libreng edukasyon at pinansiyal na tulong ang mga kwalipikadong estudyante sa medisina, kapalit ng
kanilang serbisyo sa mga komunidad na nangangailangan ng mga doktor matapos silang makapagtapos at makapasa sa board examination.
Habang sa ilalim ng PSSP ng DOH, inaasahang mabibigyang-tulong ang 245 medical scholars, 122 medical technology scholars, at 104 pharmacy scholars sa iba’t ibang state universities at DOH-retained hospitals sa bansa.
Layunin ng programang ito na hindi lamang magdagdag ng mga doktor, kundi palakasin din ang iba pang health-related professions na kasinghalaga sa pagpapatatag ng public health system ng Pilipinas.
Ayon sa mga opisyal ng CHED at DOH, ang karagdagang pondo ay inaasahang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga estudyanteng nagnanais maglingkod sa bayan sa larangan ng kalusugan. Sa ganitong paraan, hindi lamang natutugunan ang kakulangan ng mga doktor, kundi nabibigyang pag-asa rin ang mga rehiyon at lalawigang matagal nang hirap sa akses sa serbisyong medikal.
Ang “Doktor Para sa Bayan” program ay nananatiling simbolo ng pagtutulungan ng pamahalaan at akademya upang itaguyod ang isang bansang may sapat at dedikadong mga tagapaglingkod sa kalusugan, mga doktor na hindi lang para sa lungsod, kundi para sa bawat Filipino na nangangailangan ng pagkalinga saan mang sulok ng bansa.
Sa kasalukuyan, may limang doktor sa bawat 10,000 na mga pasyente sa Pilipinas, malayo sa ideyal na ratio ng World Health Organization na 10 sa bawat 10,000.
Tinatayang may mahigit 95,000 na aktibong doktor sa bansa na nasa pampubliko at pribadong ospital. Bawat taon, nasa 5,000 ang nadaragdag na mga bagong doktor na pumapasa sa pagsusulit.






