NASA 224 katao ang kumpirmadong patay kay bagyong Tino sa Kabisayaan at puwera pa ang 109 missing na posibleng maidagdag sa bilang ng mga patay kung hindi matatagpuang buhay ang mga ito.
Gaano karami naman kaya ang pinaslang ni super bagyong Uwan?
Habang tinitipa ito, mga Brod, 2 pa lang ang naiulat na nasasawi kay Uwan.
Isa sa Samar at isa sa Catanduanes na isa ang nalunod habang isa ang nadaganan ng bumagsak ng bagay.
Nagtatanong tayo, mga Brod, dahil si Tino na hanggang signal number 4 lang ang lakas ng hangin at may lawak lamang na 600 kilometro ay pumatay at nang-missing ng nasabing mga bilang ng tao.
Sa nasa 224 patay, matatagpuan ang nakararami sa Cebu sa bilang na 141, Negros Occidental – 53, Negros Oriental – 20, Agusan del Sur – 6, Capiz – 3, Southern Leyte – 2 at Iloilo, Guimaras, Bohol, Leyte – tig-1.
Sa 109 missing, ang Cebu may 57, Negros Occidental – 42 at Negros Oriental – 10.
Sa 156 nasugatan, ang Cebu may 123, Leyte, 2, Negros Occidental – 28, Surigao del Norte – 2 at Surigao del Sur – 1.
Ilan nga naman talaga kaya ang pinatay, minising at sinugatan ni Uwan na super bagyo o signal number 5 na sumasakop ng 1,600 kilometro?
Sa kaso ni Tino, makaraang umalis sa bansa, kakaunti lang ang naiulat na nasawi sa umaga pero pagdating ng hapon, nasa nasa 60 at makaraan ng isang araw, lumagpas na sa 100 at pagkatapos nito, umabot na sa 224.
Sana naman, hanggang 2 na lang talaga ang nasawi.
Pero maaaring madagdagan pa sila.
3 ARAW NA SUPER BAGYO
Lumalabas sa ulat ng PAGASA na tatlong araw na nanalasa si Uwan mula nitong Linggo hanggang ngayong umaga na siyang paglabas na nito sa Philippine Area of Responsibility.
Para maiwasan maulit ang lagim ng kalamidad sa Cebu, Negros Island at iba pa, mahigit 1.2 milyong tao ang sapilitan o boluntaryong nagbakwit mula sa mga delikadong lugar gaya ng mga nasa tabing dagat at ilog, tabing bundok, mabababa at bahaing lugar at iba pa.
Kahit papaano, 2 pa lang ang naiuulat na nasasawi pero malinaw na halos 1,000 bahay ang bahagyang nasira at halos 100 naman ang ganap na nawasak sa mga paunang ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council.
Kasama sa mga bahagyang nasiraan ang naliparan ng mga bubuong at marami rin ang nasirang mga poste at natumbang punongkahoy.
Gaya ng inuulat ng lahat ng mga mamamayan sa kani-kanilang lugar, lumusong ang mga baha mula sa mga kabundukan at maghintay na lamang tayo ng mga kaganapan ukol sa muling pagkabigo nating lahat na magkaroon ng zero casualty sa tao.
LUNOD, PANGUNAHING IKINAMATAY
Kay bagyong Tino, lunod ang higit na ikinamatay, ikina-missing at ikinasugat ng mga tao.
Kung may masasawi, mami-missing at masusugatan kay Uwan, malamang na lunod din ang magiging pangunahing dahilan.
Pero kahit papaano, maraming good news sa usaping ito.
Dumarami ang mga lalawigan na nagdeklarang zero casualty sila gaya ng Aurora, Northern Samar, Albay at Metro Manila.






