NAGAGANAP ngayon ang 3-day rally na tinawag na “Peaceful Rally for Transparency and A Better Democracy” na pinangunahan ng isang grupo ng relihiyon – ang Iglesia ni Cristo.
Samantala, ang Simbahang Katolika sa pangunguna ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines ay hindi dadalo sa mga petsang nabanggit dahil mayroon na silang build-up activities sa iba’t-ibang lugar para sa Part 2 ng mapayapang rally ng Trilyon Peso March na gaganapin sa November 30 o Bonifacio Day sa EDSA.
Ang ipinagtataka lamang ng administrasyon at ng ibang mamamayan ay bakit kailangang paabutin pa ng 3 araw ang rally. Haka-haka tuloy ng marami na baka ito ay magtulak sa People Power.
Ang sagot naman ng pamunuan ng relihiyong nag-organisa ng rally o mismong INC ay kailangan pa nilang antayin daw ang iba pang kasamahan mula sa malalayong probinsya at tawid dagat. Gayunman, siniguro umano nil ana magiging mapayapa ang kanilang protesta para sa maayos na pamamahala ng gobyerno at demokrasya naman sa mamamayan.
Sa kabilang banda nagpahayag na si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na mananagot sa batas ang sinomang magtatangkang pabagsakin ang gobyerno habang si National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro naman ay nanawagan na huwag suportahan ang mga tangkang coup o civillian-military junta dahil ang bansang nasa ilalim ng military junta ay naghihirap sapagkat hindi kinikilala at hindi sinusuportahan ng ibang bansa maging dating kaalyado pa ito.
Sa pahayag naman ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, walang makukuhang suporta mula sa mga sundalo ang sinoman o alinmang grupo na mananawagan ng pagpapabagsak sa gobyerno.
Walang masama at ligal ang peaceful rally dahil ito ay karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag ng mga saloobin sa pamahalaan, ang hindi ligal ay ang manggulo at humawak ng armas tulad ng coup d’etat o military junta para pabagsakin ang gobyerno.
Nawa sa 3 araw na rally sa Luneta, huwag silang magpabuyo sa ilang retired generals at politicians na ayon sa bulung-bulungan ay nais magsagawa ng destabilisasyon. Huwag naman sana patulan ng ibang mamamayan na hindi na makatiis sa nangyayari sa kasalukuyan sapagkat kawawa ang ating bansa kapag bumagsak ang ating pamahalaan at ang ekonomiya.






