Home OPINION GALAWANG DESPERADO NI ZALDY CO

GALAWANG DESPERADO NI ZALDY CO

360
0

MARAMI ang nagulantang sa ginawang ‘video confession’ ni ex-Ako Bicol Partylist representative Zaldy Co noong Biyernes.

Sino ba ang hindi magugulat sa kanyang bintang na mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang nag-utos sa kanya na “magsingit” (insertion) ng P100 bilyong halaga ng mga proyekto sa 2025 national budget nang pag-usapan na ito sa ‘BiCam’ (Bicameral Conference Committee) ng Kongreso at Senado noong isang taon?

Ang utos aniya pa, ay sinang-ayunan ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sa halip na pairalin ang ating emosyon sa mga tinuran ni Zaldy Co, hindi kaya dapat din muna nating isipin kung saan nanggagaling ang “hugot” nitong si ex-con, este, ex-congressman?

Gaya ng alam ng lahat, “tumakas” ng ‘Pinas si Zaldy Co na nagdahilan ng medical checkup bago ang State of the Nation Address ni PBBM noong Hulyo.

Ang naging problema niya, ibinulgar ni Pangulong Marcos, kinondena at pinaiimbestigahan ang daang bilyones na flood control project scam sa kanyang SONA noon ding Hulyo.

At bilang dating chairman ng House Appropriations Committee hanggang noong Enero 2025 kung saan aprubado na ang 2025 national budget, ay marami siyang dapat ipaliwanag.

Aniya pa, si Romualdez umano ang nagsabi sa kanya na huwag nang umuwi ng Pilipinas dahil utos din umano ito ng Pangulo. ‘Yan ang kuwento niya.

Ang nakikita ng marami? Alam mismo ni Zaldy Co na malapit nang makansela ang kanyang passport. Nagpatulong na rin sa International Police o Interpol ang Department of Justice upang matukoy kung nasaan siya at ma-deport pabalik ng ‘Pinas.

Kumbaga, “lumiliit na ang mundo” ni Zaldy Co at malapit na siyang masukol.

At dahil sa pagkadesperado, nagdesisyon na siyang lumantad sa likod ng video, gumawa ng mga kuwento para idiin ang iba at makalusot siya.

Kung sa bagay, simula pa lang ito ng kanyang “impyernong buhay” dahil sa mga pinaggagawang kagaguhan sa mga nakaraan. Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here