TATLONG grupo ng mga relihiyon o mananampalataya ang lumutang sa nakaraang mga araw kaugnay sa mga isyu ng korapsyon at pandarambong at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ang Iglesia ni Cristo, ang Simbahang Katolika at ilang protestante.
Lumitaw na nagkaroon ng mga pagkakaisa at pagkakaiba ang mga ito.
Nagkakaisa sila lahat na lumaban sa lumalagablab na isyu ng korapsyon at pandarambong at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Nagkakaisa rin sila sa paniniwalang may pinagtatakpan at may pinipiling paggawad ng katarungan sa katiwalian at pang-aabuso.
Sa kabilang banda, naging malinaw naman na may mga pagkakaiba sa kung hanggang saan ang mga daan na tatahakin patungo sa pagkamit ng tagumpay laban sa katiwalian at pang-aabuso.
Ang isa, lantarang lumakad sa mga kalsada upang iparamdam sa lahat, kasama ang pamahalaan, ang kanilang mga hinaing laban sa mga tiwali at abusado.
Ang isa, nanahimik at nakamasid lang ngunit nagbababala sa paggamit ng iba sa mga lansangan para labanan ang mga nakawan at pang-aabuso.
Ang isa, lantarang nakiisa sa mga nagnanais na pabagsakin hindi lang ang mga halal ngunit magnanakaw at abusado kundi ang mismong pamahalaan at palitan ng ibang Sistema.
Habang tumigil na ang isa sa pagkilos nito para igiit ang layunin nito dahil nakamit na ang kaliwanagan dito, ang isa naman, muling nanahimik at dinaraan sa dasal ang lahat habang laman ng kalsada hanggang sa katapusan ng buwan ang isa.
Kaugnay nito, kapag kinapa ang damdamin ng kanilang kanya-kanyang mga kaanib, nariyan ang nag-aalab na kagustuhang magkaroon na ng mga maigting na pagbabago, mula ngayon hanggang 2028.
Nariyan ang dasal at pagkilos upang mawakasan na ang droga mula Palasyo hanggang barangay.
Nariyan din ang dasal at pagkakaisa na makulong ang dapat makulong sa mga grabeng pagnanakaw at pang-aabuso na nagiging sanhi ng mga kamatayan at paghihirap sa baha at pagbagsak ng pambansang ekonomiya.
Sa higit na nakararami, ano-ano nga ba ang nararapat?






