Home OPINION EDSA UNO O EDSA DOS?

EDSA UNO O EDSA DOS?

323
0

MARAMI sa mga naging hatol ng Korte Suprema ay hindi lamang bahagi ng ating batas, kundi bahagi rin ng kasaysayan. Ngayon, may lumalakas na panawagang “Marcos Resign.” Pero kapag sinunod ang Saligang Batas, malinaw kung sino ang hahalili—si Bise Presidente Sara Duterte.

Kahit pa sinasabi ng ilan na hindi siya dapat maging pangulo, malinaw ang Konstitusyon: “The vice president succeeds the president in cases of death, permanent disability, resignation, or removal from office.”

Kaya tuloy may panawagan na “Resign Both.” Ngunit hangga’t hindi umaayaw si Sara, at kung Konstitusyon ang pagbabasehan, siya ang magiging Pangulo. Dito pumapasok ang tanong: bakit si Cory Aquino ang naging Pangulo noong 1986 gayong hindi naman siya ang Bise Presidente?

Ang sagot ay nasa kasong Estrada vs. Desierto. Dito malinaw na ipinaliwanag ng Korte Suprema ang kaibahan ng EDSA 1 at EDSA 2.

Unahin ang EDSA 2.
Iginiit ni Erap Estrada na hindi siya nagbitiw dahil “President on leave” lamang siya, walang pinirmahang resignation at hindi natapos ang impeachment trial. Pero 13-0 siyang hindi pinanigan ng Korte Suprema.

Ayon sa hukuman, ang resignation ay hindi nangangailangan ng pormal na dokumento; maaari itong pasalita o ipinahihiwatig. Ang mahalaga’y ang intensyon at ang aktong nagpapakita ng pagbitaw sa kapangyarihan. Isa sa mga pangunahing basehan: ang Angara Diary—ang personal na tala ni Sen. Edgardo Angara na naglatag ng mga pangyayari sa Malacañang noong mga huling oras ni Erap.

Dahil dito, si Gloria Macapagal Arroyo ay naging Pangulo hindi dahil sa People Power, kundi sa constitutional succession. Walang binago sa sistema ng pamahalaan—nagpalit lamang ng pinuno.

Ngayon, EDSA 1 naman.
Si Cory Aquino ay in-install ng People Power. Walang constitutional succession. Revolutionary ang kanyang gobyerno. Kaya malaki ang agwat nito sa EDSA 2, na nakaangkla sa Konstitusyon.

Marami ngayong sumisigaw ng “Ikulong ang mga kurakot!” pero ayaw sa revolutionary government—kahit marami sa kanila’y sangkot sa EDSA 1. Ano ang pinagkaiba? Dahil ayaw nila si Sara ang maupo.

Kung revolutionary government ang gusto ng ilan, bakit hindi ito tuwirang ipanawagan—sa mapayapang paraan tulad ng 1986? Dahil noon, malinaw kung sino ang iuupo: si Cory. Ngayon, walang Cory Aquino.

Kaya ang tanong:
EDSA 1? EDSA 2? O tiisin na lang muna si BBM?

Maaaring makaligtas si Marcos dahil sa hindi pagkakaisa ng oposisyon.
Pero ang tanong na mas mabigat:
Makaliligtas ba ang bansa?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here