MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga sakit at pinsalang nararanasan ng mga tao tuwing holiday season kabilang ang road traffic accidents, firework-related injuries at heart disease.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, personal niyang iinspeksyunin ang mga pampubliko at pribadong ospital ngayong holiday season upang alamin kung paano tumutugon ang mga ito sa holiday-related health issues, katulad ng mga pinsala sa road crash, fireworks at acute coronary syndrome (ACS).
“Preparedness is important. The post-crash response includes quickly getting an ambulance, being brought to the emergency room, and receiving proper medical care,” ani Herbosa.
Sa datos ng DOH, kabuuang 826 kaso ng road traffic injuries ang naitala mula Disyembre 21, 2024 hanggang Enero 6, 2025 kung saan mahigit kalahati sa mga biktima ay walang suot na helmet.
Nag-ambag din sa mga aksidente ang drunk driving.
Dahil dito ay nagpaalala ang ahensya sa mga motorista na palaging magsuot ng helmet, iwasan ang pagmamaneho nang nakainom, gumamit ng seatbelt at iba pang protective gear.
Mayroon ding kabuuang 844 kaso ng firework-related injuries sa nasabing panahon noong nakaraang taon.
Samantala, nagpaalala ang DOH sa mga Filipino na iwasang kumain ng matataba, mamantika at matatamis na pagkain upang mapanatili ang healthy lifestyle.
Naitala ng ahensya ang kabuuang 96 ACS cases sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. RNT/JGC