MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na pinalakas nito ang produkson sa agrikulture at kabuhayan ng mga magsasaka sa kanayunan sa Cagayan Valley sa pamamagitan ng pamamahagi ng ₱395 milyong halaga ng farm-to-market roads (FMRs), farm machinery and equipment (FME), at relief goods sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa rehiyon.
Pinangunahan ni DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang turnover ceremony na ginanap sa Mamba Gymnasium sa Tuguegarao City, na nagbigay-diin sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na pababain ang gastos sa produksyon, pabilisin ang pagdadala ng ani sa pamilihan, at dagdagan ang kita ng mga magsasaka.
Kaugnay nito, kabilang sa tulong ang ₱347 milyong halaga ng mga proyektong FMR, na magpapababa ng gastos sa transportasyon, magbabawas ng post-harvest losses, at magpapadali sa pagdadala ng ani sa merkado.
Nagkaloob din ang DAR ng ₱45.22 milyong halaga ng mga makinarya at kagamitang pansaka upang mapabilis at mapahusay ang mga gawaing bukid at mapataas ang ani.
Bukod dito, ₱2.89 milyong halaga ng relief goods ang ipinamahagi upang agad na masuportahan ang mga komunidad ng magsasaka.
Binigyang-diin ni Secretary Estrella na ang mga programang ito ay naglalayong magdulot ng pangmatagalang benepisyo sa kanayunan.
“Ang mga proyektong ito ay hindi lamang tungkol sa imprastruktura at makinarya. Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka na magprodyus nang mas marami, kumita nang mas maayos, at magkaroon ng disenteng pamumuhay,” ani Estrella.
“Sa mas maayos na kalsada, modernong kagamitan, at napapanahong tulong, pinatatatag natin ang mga komunidad sa pagsasaka at ang seguridad sa pagkain.”
Isa sa mga benepisyaryo, ang Nararagan Valley Multi-Purpose Cooperative ng Ballesteros, Cagayan, ay tumanggap ng ikalawang four-wheel-drive tractor.
Ang kooperatiba, na pinamumunuan ni Benjamin Collado at may 1,380 miyembro, ay nakatuon sa produksyon ng palay at serbisyong pautang.
Ayon kay Collado, ang karagdagang tractor ay magpapalawak ng sakahang nalilinang, magpapabilis ng operasyon sa bukid, at magpapababa ng gastos sa produksyon, na magbibigay ng mas malaking benepisyo sa kanilang mga kasapi. Santi Celario