SA tingin ng ating Uzi, hindi pwedeng ipagmalaki ang pahayag ng maraming matataas na opisyal ng ating gobyerno na wala nang pagkikikbakan sa 2026 pambansang badyet at giginhawa at maging ligtas na ang buhay ng mga Pinoy.
Una, vineto ni Pangulong Bongbong Marcos ang mahigit P92 bilyong unprogrammed funds na isiningit ng mga kongresman at wala umanong kinalaman ng mga senador.
Ikalawa, hindi umano mahawakan ng mga epal na mambabatas ang iba’t ibang ayuda at hindi na katulad ng dati na pinagmumukha nilang galing sa kanilang bulsa at hindi sa buwis ang mga pondo na ipinamamahagi nila.
Ikatlo, walang bagong proyekto ang matiwaling Department of Public Works and Highways at tanging ang mga imprastrakturang ginagawa at repair na lang ang binadyetan.
Sa tatlong usaping ito, nawalan na umano ang mga korap ng pagkikbakan at maibuhos na talaga sa pangangailangan ng bansa at mamamayan ang mga pondo.
Ikaapat, naabot na umano ng Pilipinas ang kinakailangang antas na badyet, P1.34 trilyon, para sa edukasyon at inaasahang gagaling na ang mga guro at aangat ang kalidad ng mga mag-aaral.
Hindi na umano mauulit ang 60 silid-aralan lamang na nagawa ng DPWH mula sa P19 bilyong badyet nitong 2025 at magagawa na ang 25,000 bagong silid-aralan sa P60B badyet.
MASYADO PANG MAAGA PARA MAGSAYA
Kasisimula pa lang ang pamimigay ng mga pondo sa bawat ahensya ng gobyerno, kasama ang mga pinopondohang government owned and controlled corporation at local government unit na bahagi sa ilalim ng Internal Revenue Allotment.
Kung sa palagay ninyo ay wala nang korapsyon sa implementasyon, diyan tiyak kayo magkakamali.
Sa programang edukasyon lang, partikular sa paggawa ng mga school building na sasalihan mismo ng Department of Education, DPWH, pribadong sektor at lokal na pamahalaan, walang makasisigurong walang makikialam na mga korap at mandaraya.
May mga funder pa rin mula sa mga mambabatas at eepal na taga-Malakanyang at may papel pa rin ang mga ito sa pagtatayo ng mga eskwela, sa mga paggawa at pagbili ng mga libro at kompyuter at mga gamit at pasilidad sa mga laboratoryo.
Pansinin ninyo, sa hanay lang ng mga mambabatas, kanya-kanya ang pagsasabing sila ang nagpanukala ng mga batas at kung wala ang kanilang mga panukala na nagiging batas, wala lahat ang mga tinatamasa ng mga mamamayan na benepisyo, maging sa edukasyon.
Tiyak na magkakaroon pa rin ng mga maniobra sa mga pasubasta, negotiated procurement at overpricing sa serbisyo at materyales.
Sa dami ba naman ng mga makikisali na posible pa ring magsasabwatan.
ANG BAHA, PAANO?
Napakasama talaga ang naganap sa nakalipas na tatlong taon dahil binaboy ng mga korap ang kalakhan ng P1.2 trilyong badyet laban sa baha.
Kung hindi ghost project, nandiyan naman ang substandard at marurupok at overpriced.
Kaya bibihira ang naging matino na anti-flood projects.
Ngayong walang bagong proyekto, paano ang mga binabaha at babahain pa, lalo’t nauuso na ngayon ang karanasang binabaha na rin ngayon ang hindi binabaha noon.
Sino ba ang dapat na managot kung magkandamatay-matay ang mga mamamayan sa lunod, sakit mula sa baha at iba pa sa taong ito?






